Tuesday, December 29, 2015

SIGALOT


Pipilitin kong kalimutan na lang...
Katulad ng paglimot mo sa mga bangungot
at mga itinatangging kahibangan o lihim.
Susubukin ko na lamang na iwaglit sa isipan.
Ikakahon ko na lang ang lahat.
at ililibing ito sa lupa
kasabay nang pag-asa sa kawalan.

Ito iyong iniisip ko ngayon na mga salita na pwedeng maglarawan sa nararamdaman ko. Siguro naramdaman mo na yung feeling na ginagawa mo naman yung lahat pero kulang pa rin. Eh hindi nga ako perfect. Maraming hindi maganda sa akin pero isa lang naman ang masisiguro ko, ikaw ang gusto ko. Walong taon. Ikaw lang ang gusto ko. Kaya tang i*ang individual differences iyan. Minsan pineperwisyo ako niyan kahit na minsan nararamdaman ko na marunong naman akong umunawa. Hay. Mabuti maayos na ulit tayo ngayon. Ganoon naman sa relasyon eh, di ba? Maswerte rin ako kasi napag-uusapan natin ang mga bagay na gumugulo sa atin at wala kang kaagaw sa akin, maliban sa oras (dahil may trabaho at wala naman akong barkada). Maswerte rin ako sa'yo kasi palagay ko wala akong kaagaw bukod sa hinayupak na individual differences na iyan. Pero hindi ko sigurado o masisiguro kung hanggang kailan natin maayos ang mga bagay na inaayos lang, di ba.

Pagtagpi-tagpiin ko man yung mga nasira
Hindi na rin iyon matutumbasan.
Hindi na rin mapapalitan ang sakit
at 'yong mga luha na pumatak,
na dumaloy sa iyong pisngi.

Nangyari na ang nangyari
at hindi na iyon maibabalik pa.

Ito naman iyong pakiramdam ko sa tuwing nagtatalo tayo. Narinig ko ang boses mo kanina, nagmura ka nga eh kahit na hindi kita sinagot ng mura rin dahil hindi ko naman magagawa iyon sa'yo. Tinanggap ko yung mura kasi naiinis ka. Umiiyak ka at humihingi ng sorry. Sino ba ang hindi magpapatawad kung umiiyak na yung babae? Bato lang ang puso nang hindi magpapatawad  ng ganoon saka parati naman ako ang sumusuko di ba. Marinig ko lang ang boses mo at maisip ang imahe mo kapag malungkot ka, parang dinudurog na ang puso ko. Nanghihina ang tuhod. Naalala kong tinanong mo ako kanina noong tumawag ka, “bakit hindi ka nagsasalita?” Hindi ko lang masabi sa iyo na  namumuo na yung pinipigil kong luha sa lalamunan ko. Yung ‘throat thing’ kapag ayaw mong ipahalatang naiiyak ka na. Pero sinabi ko, “Wala.” Hindi ko alam kung bakit ko tinanggi iyon,  siguro para malaman mong hindi ako ganoon nasasaktan at maramdaman mong matapang rin ako. Sinabi mo rin sa akin kanina na selfish ako.  Marahil, selfish nga rin ako. Sinasarili ko kasi iyong mga ganitong pagkakataon na hindi ipahalata sa iyo ang nararamdaman ko tapos sasabihin kong kalimutan na lang natin ang away natin. Tatanggapin na ako ang gago at maniniwala sa sinabi mong ako ang nagsimula ng lahat, kahit na minsan may point naman ako. 

Bati na tayo. Ganoon kadali ang lahat. Kung walang magpapakababa, walang maaayos, di ba. Kaya sorry rin kanina. 

Iniisip ko nga, kung pwede lang ulit magsimula na parang burado ang lahat ng mga away natin sa isip mo... para walang lamat. Kasi mamaya, kahit hindi mo man iniisip ang mga pagtatalo natin, unconsciously affected ka na rin.

Pasensiya na rin pala kanina dahil sinabi mong sinira ko ang araw mo at selfish ako. pero gusto ko lang malaman mo na 4:21 na ng umaga ngayon, palagay mo ba ikaw lang ang nasaktan? 

Pero tama na. Bati na naman tayo eh. Malaki na ang pasasalamat ko rito.

Aminado akong may kasalanan rin naman ako pero sana hindi na maulit ito (pero mukhang malabo dahil sa nyetang individual differences at oras na iyan).


No comments:

Post a Comment