Friday, April 28, 2017

ANG PAG-IBIG PARA SA AKIN

Ang daming hinahanap ng tao. Papalit-palit ng gusto. Kung mahal mo, hindi mo sasaktan. Pipilitin mong maging mabuti para sa kanya. Hindi mo siya iiwan sa kabila ng kahinaan niya. Alam mo kung bakit maraming unsuccessful relationship? Kasi masyado nating itinuturing ang pag-ibig na para bang bagay na dapat makamit. Kailangan maging maganda o gwapo sa taong "gusto" mo lang pero hindi "mahal" kaya kapag nakuha mo na at tumagal na ng ilang panahon at lumipas na rin kasabay ng kilig at kasabay na rin ng lumipas na ganda ng taong iyon, maghahanap ka na naman ng panibagong taong magbibigay sa'yo ng "thrill." Hinahanap-hanap mo. Pucha kung ganon, pumunta ka ng Meralco at magpakuryente ka. Ewan ko na lang.

Hindi nauubos ang pagse-set natin ng standards sa taong gusto natin pero tinanong ba natin ang sarili natin kung tayo ba yung taong gugustuhin o mamahalin? Hindi. Kasi lagi tayong naghahanap at lagi nating itinuring ang pag-ibig na para bang gamit na kapag niluma ng panahon ay papalitan. Hindi yon ganon. Ang pag-ibig ay araw-araw tinatrabaho, inaayos, pagkukwentuhan, pagbibisita sa isa't-isa, pagpapakumbaba, pag-inom ng kape ng sabay, paghingi ng tawad, pagsosorpresa, at pagbubulong ng mahal kita bago matulog o pagkagising sa umaga!

Ang pag-ibig ay pagbubukas ng maraming pagkakataon para sa inyong dalawa para mas makilala pa ang malawak na mundo! Hindi ito pagsasama ninyong dalawa! Ang pag-ibig ay pagbibigay ng respeto sa bawat isa! Ang pag-ibig ay binubuo ninyong dalawa ng magkahiwalay na mayroong kanya-kanyang pagkakakilanlan kasabay ng maraming maliliit na mga bituin at planeta na umiikot sa bawat isa...ito iyong mga taong mahalaga sa inyo at mga pangarap ninyo.

Lahat ng hinahanap mo, makikita mo sa iisang tao. Kung matututo kang maghintay na umusbong ang mga katangian na iyon sa inyong dalawa dahil ang pag-ibig ay paghihintay at pasensya. Walang madali.

Ang pagmamahal ay hindi sinusukat ng "kilig" lang. Ito ay paggawa sa maliliit na alaala sa oras na magkasama kayo at wala kayong pakialam kung ano man ang sinasabi ng mundo o ng bukas dahil kahit hindi nila alam ang lahat ng mayroon sa inyo...basta ang alam ninyo na sa huli o sa susunod man dimensyon kung may pagkakataon...mahal ninyo ang isa't-isa dahil ang tunay na pagmamahal ay kapayapaan.

Wala nang iba.

No comments:

Post a Comment