Tuesday, November 29, 2016

UNA'T HULI

Noong panahon na alam kong iisa tayo'y
hinaplos ko ang iyong mukha.
Wari'y alam mo na kung ano ang ibig ko.
Pinikit mo ang iyong mga mata
at unti-unti kong nilapit ang aking mukha.

Lumapat ang aking labi sa iyong labi.
Ito ang unang halik.
Bumilis ang tibok ng puso
at naramdaman ang daloy ng dugo.
Hindi ko napigilan at hinawakan ka sa likod,
ang tagiliran at hinaplos ang buhok.

Naamoy ko ang samyo ng paghinga,
at ng iyong balat. Palagay ko'y walang iba,
nag-iisa, at walang katulad.
Niyakap kita ng mahigpit.
Naramdaman ang lambot ng iyong dibdib
Walang iba, walang katulad.
Una't huli...

Una't huling yakap at halik.
Ikaw ang pinanalangin ko.
Sa napakahabang panahon, hiniling ko.
Ngayo'y akin ka'y hindi pa rin huminto.
Araw-araw ka pa ring hanap.
Araw-araw ka pa ring hinihiling.

Asahang mananahan sa puso.
Kailan ma'y hindi aalis sa isip.
Ikaw ang magiging gunita pagtanda.
Alaalang ihehele bago ipikit ang mga mata.
Ang taong mamahalin sa huling paghinga.

Ikaw ang una't huli...
Una't huli kong yakap at halik.
Una't huling taong nagpaalam ng pagmamahal.
Una't huling nagpatibok ng puso.
Una't huling mukhang sisilayan.
Una't huling taong gugustuhin.
Una't huling mamahalin.

No comments:

Post a Comment