Monday, January 16, 2017

ANONG LIHIM NG ISANG DEKADANG RELASYON?

Tiningnan ko ang mga pictures at videos nating dalawa. Natatawa ako kung gaano pa tayo kabata nang simulang magkakilala. Ikaw ang una ko, at ganoon ka rin sa akin. Sabay tayong naglakad at lumaban sa mapanghusgang mundo. Nasaksihan mo kung paano akong nagbago mula sa nagtatagong pagkatao. Pinalitan ko ang palda ng pantalon at ginupit ang mahabang buhok. Wala kang pakialam sa pagbabago ko kasi alam mong iyon ang gusto ko. Niyakap mo ang lahat sa akin mula sa baho ng nakaraan ko hanggang sa kung sino ako ngayon.

Ikaw ang lakas ko. Ikaw rin ang kahinaan ko. Tinatanong nila kung paano tayong nagtagal? Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Siguro mahal lang talaga natin ang isa't- isa...na kapag nakikita kong lumuluha ka na, nanghihina na ang tuhod ko. Humihingi ng tawad sa pagkakamali ko at ganoon ka rin sa akin. Pinagsasaluhan natin ang mga bagay-bagay. Hindi natin ipinagsisigawan sa lahat kung gaano natin kamahal ang isa't-isa. Walang mga larawan sa social media kung gaanong katamis o kung gaano kasaya tayong dalawa.

Sa loob ng magsasampung taon, hindi pa rin nagsasawang tingnan ka sa pagtulog mo. Hindi ako nagsasawa sa kabila ng lahat. Ikaw at ikaw pa rin ang gugustuhin sa kabila ng pagkakaalam kong naging akin ka na. 

Hindi ko rin kayang isipin na masaktan ka sa kabila ng inaalagaan ka ng mga magulang mo at sa kabila ng mga gabing hinihiling kitang ibigay ka sa akin. Oo, hindi ako madasalin pero nang mga panahon na gusto kong makasama kita. Ipinanalangin kong sana ibigay ka sa akin.

...at naging tayo nga.

Ang gusto ko sa ating dalawa, kung anong mayroon sa atin, tayo lang ang may alam at hindi na kailangan pang ipaalam dahil maraming taong mahilig makialam.  Baka ito nga ang lihim natin...
marunong dapat tayong huwag ipaalam sa lahat ang kung anong mayroon sa atin.




No comments:

Post a Comment