Thursday, December 29, 2016

ENGKWENTRO KAY KIROT

"Anong masasabi mo dahil hindi ka pinipili ng ibang tao?" tanong ko kay Kirot.
"kasi lagi akong iniiwasan?" sagot niya.
"Oo." Tugon ko.

"Eh, hindi ko naman sila masisisi. Sanay na naman ako. Kaya nga kirot di ba?" Biro pa niya sa akin.

"Mas gusto ninyong mga tao ang maging masaya." Tiningnan niya ako sa mata at nakita ang hapdi ng kanyang binitiwang mga salita.
"Malamang."

Nagkaroon ng dalawang minutong katahimikan.

"Malamang ang sinabi ko. Hindi ka na sumagot! Mas gusto naming maging masaya kasi magaan sa loob. Nakakapag-usap kami kapag masaya kami. Nakakangiti. Kumakanta at sumasayaw. Mas pinapansin kami ng iba at walang problema. Ganun." Binasag ko ang katahimikan sa mga sinabi kong iyon.

"Tingnan mo. Hindi ka mapakali. Sinagot kita ng katahimikan pero pinili mo pa rin dugtungan. Ganyan kayong mga tao. Gusto niyo ng maingay na mundo. Gusto niyo palaging masaya saka nakakalimutan ninyo yung mga dahilan kung bakit ka masaya. Kung bakit mo naiintindihan..."

Huminto siya ng sinabi niya iyon at tumungo.

"Hindi niyo nga pala naiintindihan," pabulong niyang dugtong.
"Ang alin?" Tanong ko.
"na sa bawat saya dahil iyon sa lungkot tulad ng kung bakit ka malakas dahil iyon sa kirot."

Hindi ako sumagot.

"Nilalayuan nila ako pero hindi nila alam na sa hindi nila pagyakap sa akin ay mas lalo silang napapalapit sa akin. Sa mga bisig ko rin sila babagsak. Mauuntog muli sila pagkatapos nila akong maranasan at makakalimutang muli...Lalayuan ngunit babalik muli."

"Kung hindi ka lalayuan? Anong mangyayari?"

"Hindi ka naman makakalayo. Sinusubukan niyo lang lumayo. Tinatakasan. Kinakalimutan pero panandalian."

"Kasi mabigat ka sa pakiramdam. Masakit." Sagot ko kay Kirot.
"Kailan ba naging magaan ang buhay?"
"Kapag masaya! Ano ba?

"Parehas pa rin naman. Mukha lang magaan kasi ibang aspeto lang ang tinignan mo. Hindi ka lang nakatingin sa akin."
"So masama na loob mo niyan sa akin?"
"Hindi."
"Eh ano?"

"Dalawin mo ako paminsan-minsan o kaya huwag mong kalimutan kung saan rin nagsimula ang lahat. Bahagi ako ng saya mo. Hindi mo malalaman na masaya ka kung hindi mo ako kilala."

"Hindi naman kita nakalimutan." Niyakap ko ng mahigpit si Kirot at may dumaloy na luha sa aking pisngi.

Hinawakan ni Kirot ang aking mukha at ibinulong sa aking tainga,
"Tahan na. Sasaya ka ulit."

No comments:

Post a Comment