Friday, February 10, 2017

Simula ng Pamamaalam

Mayroon bang tumatagal sa mundo na walang katapusan? Wala. Lahat nawawala, napapalitan, at nababago. May mga bagay tayong hinahanap sa sarili natin, sa buhay natin na tayo lang ang makapagsasabi kung natagpuan na natin.

Tayo ay mga manlalakbay ng buhay. Naniniwala akong hindi ako tumitigil sa iisang lugar at ang saysay ko ay ang hanapin ang bagay na magbibigay sa akin ng kasagutan sa tanong ko. Sa akin na lang iyon pero kapag nahanap ko na...

Sasabihin ko sa'yo.

Nagbigay ako ng huling pamamaalam sa aking mga estudyante at sinabi ko kung gaano ako naging masaya mula sa pagtanggap nila sa akin. Nagpasalamat rin ako sa naging nanay ko sa maliit na pamantasan na yun ng Rizal. Niyakap ko siya at para siyang naluluha sa mga salitang sinambit ko. Naluluha ng niyakap ko siya.

Siya ang nanay-nanayan ko, naging sandigan ko sa mga panahon na bago pa lang ako doon, siya ang unang naniwala sa akin sa kakayahan na pinagdudahan ko sa sarili ko at siya ang unang tumanggap sa akin. Malaki ang pasasalamat ko sa taong ito at mahalaga siya sa akin.

Sinilayan ko ang mga mukha ng mga batang nakatingin sa akin. Hindi ko naman na hinabaan pa ang aking sinabi dahil wala namang dahilan para pahabain pa...doon rin naman ang pupuntahan ng lahat...sa pamamaalam.

Alam kong ang mga ngiting yun na nakita ko kanina ay unti-unting magiging malamlam sa aking alaala ngunit mananatili sa akin kung gaano ako naging malungkot, masaya, at natuto nang makilala ko sila.

Sa isang munting pamantasan ng Rizal, may isang simpleng guro na nangarap, natutong magmahal magturo at nangakong mamahalin pa ito...

Sa munting pamantasang ito ng Rizal, natutunan niyang awitin ang isang kantang minsan lang niya narinig ngunit kailanman ay hindi naging dayuhan sa kanya...

...pinanday at pinagyaman...
Ika'y handang tumindig ng may dangal.


Pangako. Hindi man ako nagmula sa paaralan na ito, bilang isang guro, tinuruan mo akong tumindig ng may dangal.

Sa muling pagkikita natin!

No comments:

Post a Comment