Thursday, February 16, 2017

HANTUNGAN

Sa edad ko, hindi ko naman masasabing marami na akong naging karanasan sa mundo. Di hamak na bata pa rin naman ako pero alam mo yung pakiramdam ko? Pakiramdam ko matagal na akong nabuhay at pagod na ako sa gulo, ingay, at mapanghusgang mundo. Hindi naman ako galit. Hindi naman ako sobrang malungkot talaga pero pakiramdam kong para akong nauupos...nauubos.

Sa totoo niyan, normal na naman sa akin ito. Hindi naman bago. Hindi lang halata sa akin dahil iniisip nilang masayahin ako. Nakangiti, tumatawa, o nagpapatawa kaya alam kong hindi naman ako napag-iisipan na parang ganoon na kaseryoso pero kapag ako lang mag-isa at mag-iisip ng mga bagay-bagay...nadidismaya ako.

Nakakadismaya maging tao, binigyan tayo ng magandang lugar para alagaan ang paligid pero sinisira natin. Hindi tayo marunong makuntento. Gusto natin manakit o manira ng paligid kung minsan sinisira natin ang ibang tao o kaya naman ang sarili natin.

Nakakaumay. Nakakadismaya. Paulit-ulit tayong gumagawa ng mga pagkakamali. Hindi tayo natututo. Hindi marunong makinig. Marahil may mga taong ginusto na lang magpakatiwakal dahil sa napakagulong pag-iisip ng lahat at napakaingay na mundo.

Hindi mo alam saan ka lulugar kaya gusto mo na lang na tapusin na ang lahat kasi nga nakakapagod at mahirap intindihin ang buhay.

Gusto kong isipin na hindi tayo nabuhay para lang masaktan at mamatay. Gusto kong isipin na may maganda sa tao at mundo. Gusto kong makita ang pagmamahal kaysa sa sakit at buhay kaysa kamatayan. Ngunit paano mong magagawa iyon kung maraming mga bagay ang nagpapakita sa'yo ng ganoon?

Piliin mo na lang ang mga magaganda. Okay. Mananahan ako sa isang ilusyon at aasang may pag-asa sa tuwing sisikat ang araw.

Pero sa bawat paglubog ng araw, doon pa rin ako matatapos sa aking higaan...sa aking huling hantungan...gabi-gabing akong pumapanaw.


No comments:

Post a Comment