Friday, February 24, 2017

Cheers to Another Year!

Tumanda na naman ako ng isang taon. Napakabilis. Hindi ko namalayan na parang dati lang nanonood ako ng TV programs tulad ng Hiraya Manawari, Sineskwela, at Cedi kapag may kuryente kami sa bahay o kaya naman maglaro sa labas at umakyat sa kung saan-saan.

Sooobbraaanng saya ko. Habang nadadagdagan ako ng edad lalong bumababaw naman ang mga kahilingan ko. Hindi ako humihiling ng mga regalo...marahil nasanay naman ako dahil noong bata pa man din ako, hindi ako naghahanda *bihira yun* o kaya naman humihiling ng regalo kasi alam ko kung gaano kahirap ang mabuhay sa kalagayan namin na palipat-lipat ng bahay at maraming pinagkakautangan.

Kailan lang naman kami naging maayos. Akyat-baba ang buhay namin noon. Unpredictable kada buwan na baka paalisin ka na ng may-ari ng inuupahan mo. Mga ganoon. Pero alam mo masaya pa rin kasi naranasan ko iyon at paulit-ulit kong binabalikan ang mga sandaling iyon ng walang halong pagsisisi dahil tinulungan ako noon na makita ang totoo...na mahirap ang buhay at dapat mong labanan. Wala kang kasalanan sa mga nangyayari at walang kasalanan ang iba kung nagkaganoon. Sadyang minsan kailangan mo na lang lumaban. Wala naman ng silbi kung magsisisihan pa kasi tapos na ang lahat, ang kaya mo lang gawin...tumayo, lumaban at tulungan ang mga taong nagkamali para maitama ito!

Hindi ko na sinisisi ang magulang ko kung bakit kami mahirap pero aaminin ko...sumagi rin sa isip ko na bakit pa kasi ako pinanganak? Bakit pa kasi ako sa mahirap pa napunta?

Pero nang tumatanda na ako naiisip ko na wala na akong magagawa doon dahil iyon na ang nakasanayan nila noon at sa ganoon rin naman sila lumaki. Hindi nila kasalanan na makahanap ng ibang paraan para mabuhay kami dahil hindi sila nakapagtapos. Anong magagawa ko noon, di ba? Pero yung effort naman na alagaan kami o mag-alala sila...ayos na iyon. Sobrang hirap din naman sa part nila na makita kaming ganoon. Mayroon bang totoong magulang na gustong naghihirap at nagugutom ang anak? Kaysa magalit at magmukmok ako noon...laban.

Mas higit ang pagmamahal at pagpapatawad sa galit. Magalit ka oo pero wag kang tumambay. Nagalit rin naman ako noon kasi bakit puro kamalasan kami...pero alam mo iyon...kapag natapos na pala lahat ng luha at hirap kasi pilit mo namang inaayos ang sarili mo at binabangon ang sarili mo...magiging okay rin ang lahat.

Kaya kumapit ka. Kaya ako sa tuwing nahihirapan ako, mas okay ako kasi walang bagay ang madali at walang madaling bagay ang nagtatagal. Inaabot ito ng taon para madevelop ang attitude na kailangan mo at matutunan mong pahalagahan ang mga bagay kapag hinintay mo ang tamang panahon.

Hay, hindi lahat ay may lakas at maswerteng nakakabangon mula sa hirap. Yung iba sumusuko, marahil na-swertehan lang ako na matapang kaming pamilya sa kabila ng lahaaaat ng hirap at may mga taong tumutulong rin sa amin.

Wala ng mas sasaya pa sa akin ngayon lalo na ang makitang masaya ang magulang ko sa mga natutunghayan nila. Sana mas humaba pa ang buhay nila dahil marami pa kaming pangarap para sa kanila ng mga kapatid ko...oo kahit wag na ako masyado. Kaya ko naman maghirap pa para sa kanila at para sa mga mahal ko. 💕☝ Matanda na sila, ako medyo masamang damo naman yata. 😂 I'm trying my best na hindi maging sobrang bait baka kasi kunin. Hahahaha kaya loko-loko din pag may time.

Sana marami pang blessings ang dumating sa akin at marami pa akong lakas na mapagkunan kasi kung minsan nakakapagod na rin. Hahahaha. Ang tagaaal na ng pagtitiis ko, damn. Bata pa lang banat na 'to. Sana marami pang lessons na matutunan at marami pang taong makilala para ma-explore ko ang kanilang karanasan para maging bahagi rin ng mundo ko...para mas maramdaman kong tao ako. Sana sana.

Salamat sa mga importanteng taong nagbibigay ng ligaya sa akin dahil sila ang dahilan kung bakit nandito pa ako. Hindi niyo alam kung anong impact ninyo sa akin.

Sa mga anak ko (mahal kong students), ka-trabaho, kaklase, kakilalang bumabati sa akin, sa mga mensahe ng ibang tao na hindi ko maalala yung nagawa ko sa kanila pero nagpapasalamat sila, sa aking mga kamag-anak, kapatid, magulang, at sa nag-iisang babaeng hindi ako kailanman tinalikuran (alam niya na yun). 💕

Mahal na mahal ko sila. Kaya kung naging bahagi ka ng buhay ko sa halos dalawa at lampas kalahating dekada, salamat! Pinaligaya mo ako, hindi kita makakalimutan. 💕☝

Para sa susunod pang buhay, sa mga alaala pang darating na pilit kong itatago, mga bundok na aakyatin, dagat na tatawirin, himpapawid na liliparin, sa mga karapatan na aking ipaglalaban, maliliit na boses na pilit kong isisigaw at mga pangakong pilit na tutuparin! Para sa masayang buhay! ✌☝💕 Cheers to life!

*daming sinabi, sorry hahaha.*


No comments:

Post a Comment