Thursday, February 9, 2017

Puso ng Sikolohiya

Nasaan ba ang puso ng sikolohiya? Siguro matagal ko na ring hinahanap iyon. Palaging may kulang. Nasubukan ko ng maging matapang kahit paano sa industriya at kasalukuyang nasa akademikong institusyon ako...may kulang ba? Oo, pero masaya ako. Sobrang saya ko hindi tulad ng nasa industriya. Nakita kong mahalaga ako sa kinalalagyan ko ngayon pero may hinahanap ako kaya susubukan ko ang klinikal.

Sa totoo lang, natatakot ako kahit na mukha akong matapang sa panlabas. Siguro, natatakot ako dahil sa mga expectations na sinasabi sa akin ng iba kapag tinatanong nila kung kukuha na ba ako ng board exam. Sinasabi ko naman ang totoo. Sinasabi kong hindi pa ako handa kasi mas advance na ang Psychologist board examination. Maraming bumabagsak doon sa kabila ng pagtuturo ng psychology subjects at clinical experience. Kaya natatakot ako. Nakakatawa ano? Mahilig akong magmotivate pero natatakot ako.

Oo. Natatakot ako at hindi ako natatakot na ihayag ang nararamdaman ko. Hindi ako magkukunwaring alam ko ang lahat dahil hindi ko alam ang lahat. Marami pang dapat matutunan. Masyado pang maaga para sabihin kong mahusay at magaling ako para kumuha ng exam. Wala pa akong lakas ng loob. Kulang pa at alam ko iyon.

Natatakot rin kasi akong magkamali at marahil sa expectations nga ng iba. Nakakatakot na may nagsasabi pa sa akin na magboard topnotcher ako dahil nagtuturo ako sa isang review center. Oh di ba? Hindi ka ba naman tablan ng kaba. Hindi ka pa man din kumukuha, nakikita na nila ang kinahihinatnan mo. Paano kung iba ang resulta? Di ba?

Saka sa totoo lang, naiisip ko na kulang pa ako dahil specialization ko mula undergrad at masteral ay Industrial. Anong laban ko sa clinical? Kaya may rason akong matakot pero ang good news... Sinusubukan ko ang makakaya kong mas matuto pa at alamin ang mundo ng clinical paychology.

Ngayong hapon lang, nainspire ako sa student ko. Gusto kong maramdaman ang naramdaman niya sa clinical setting. Sabi niya sa akin kanina,

"Naalala niyo po ba noong time na maga-assign po kayo ng ojt namin? Iniisip ko po na Industrial ako muna kasi po hindi ko pa po kaya yung clinical. Parang di ko kaya yung psychological report at maginterview ng patient. Noong narinig ko po na clinical ako. Sobra akong nalungkot. Parang di ko alam yung gagawin ko. Pero noong ojt ko, iba naman pala..."

Habang sinasabi nya sa akin yung takot niya na hindi siya handa...parang gusto ko siyang i-interrupt at sabihin sa kanya na parati naman nating mararanasan na hindi tayo handa kaya subukan mo. Tapos bumalik sa akin yung advice ko sa isip ko na para sa akin pala iyon at hindi ko na tinuloy ang pagputol sa kwento niya. Pinakinggan ko na lang siya.

Natutuwa ako nang matapos niya ang kwento niya. Natulungan niya yung patient na isolated sa rehab. Wala kasing gustong kumuha doon kasi mahirap daw pero dahil kinausap niya...nakita niyang nagbago yung patient niya hanggang sa nagkaroon ng socialization sa family na matagal ng hindi nakakausap. Alam mo iyon? Nakita ko yung kislap sa mata ng student ko. Nakita ko yung puso niya sa kwento niya. Nakita kong masaya siya. Sinabi niya na gusto niyang maging psychologist dahil doon. Ang pinaka nagustuhan ko sa kuwentuhan namin ay yung moment na sinabi niya:

"Iniisip ko nga kung ano talaga yung natulong ko sa kanya eh. Ang ginawa ko lang naman ay ang makinig sa kanya at magtanong ng mga bagay para maisip niya ang ginagawa niya..."

Hindi siya makapaniwala sa nagawa niyang maganda. Ang sarap daw sa feeling. Ang sarap daw tumulong...At totoo naman iyon kaya gusto ko ang trabaho ko. Masarap sa pakiramdam at hindi kayang palitan ng pera pero this time gusto ko maglevel up. Sa mas mahirap na paraan. Gusto ko makahawak ng cases na nababasa ko lang sa libro. Gusto kong subukan kahit natatakot ako. Nainspire talaga ako.

Totoo ang sinabi niya. Minsan kailangan lang nating makinig. Kailangan lang natin ng taong uunawa sa atin...yung mga taong maniniwala sa atin dahil kung minsan tinatalikuran tayo ng mga taong akala natin sila yung unang tatanggap sa atin...at kung minsan, pinakamasakit sa pakiramdam ay natin ang tinalikuran tayo ng lahat dito sa mundo.

Masarap ang maging psychologist sa future kasi marami kang makikilala at matutulungan...kaya naniniwala ako na hindi ko kailangan maging astronaut para matuklasan ang mga nawawalang planeta at mga bituin eh kasi kapag kinausap mo na ang isang tao, nakadiskubre ka na ng isa. At ang mga bituin? Makikita mo iyon sa kislap ng kanyang mga mata.

Nakakatuwa ano? Yung mga taong akala mo ikaw ang mag-iinspire sa kanila...hindi nila alam na sila ang pinaghuhugutan mo ng halaga ng buhay mo. Kung bakit humihinga ka araw-araw at bumabangon.

Hindi nila alam na sila ang dahilan kung bakit ako narito.

No comments:

Post a Comment