Saturday, March 31, 2018

PAMAHIIN

Madalas na maniwala sa mga sabi-sabi
Mga guhit sa palad, tarot cards, horoscope, hugis o nunal sa mukha, o bituin sa langit,
inaalam, pinapakinggan, at sinusunod
dahil ano nga bang mawawala kung hindi susubukan?

Pinapaikot ng mga matatanda
Wala kang ebidensya pero mahigpit na naniniwala
dahil ano nga bang mawawala
kung hindi susubukan? Di ba?

Buong buhay ay naging masunurin
Nakahilera ang buhay sa klima ng pamahiin
Araw-araw ay sinusuot ang masusuwerteng kulay,
tinataya sa lotto ang numero sa dyaryo,
at sinubukang matulog ng mahimbing sa naayong direksyon.

Sa ilang libong beses na hiniling ang swerte
Heto ka't dumating sa aking piling.
Alam kong ikaw na iyon
dahil nang una kitang nakita'y suot ko
ang kulay berde kong damit.
Ito ay ganap na 11:11 ng umaga,
ito rin yung araw na nakaharap akong matulog sa silangan.
Naalala ko pa na sinabi sa horoscope
na magiging kakaiba ang araw ko
kumpara sa nakaraang lingo
at may makikilala akong magbabago ng aking pagkatao.

Nilingon mo 'ko nang umagang iyon.
Ngumiti ka dahil nakatingin ako sa'yo.
Pumikit at humiling sa relos ko na nagsasabing 11:11.
At alam kong ito na nga ang simula.
Wala akong ebidensya pero malakas ang aking paniniwala...
batid kong pumosisyon ang mga bituin
para mundo natin ay magtagpo.

Ipinagkaloob ka ng kalangitan.
Kaya’t inaalagaan ka araw-araw.
Mas nakilala pa kita at minahal na parang
walang sandaling dapat na masayang.
Sinunod ko pa rin ang pamahiin
para siguradong sa akin ay manatili.

Makalipas ng ilang buwang pagkakaibigan,
naging tayo sa araw ng otso
Sinabi kong swerte nga ako talaga sa’yo
“Infinity and beyond” pa ang ibig sabihin ng numero.
Nagpalitan ng yakap at halik
Hatid-sundo sa umaga at gabi
Walang araw na hindi maligaya
Ikaw ang naging sandigan at pag-asa.

Marami ng puno ang nalagas,
Kasabay ng mga araw na lumipas
Hindi ko akalaing sasama rin pala sa panahon
Ang relasyong ginawan natin ng pundasyon.
Biglang ang mga bituin sa kalangitan ay nagbago ng posisyon
Nagbago na ang mundo mo na akala ko’y pinatibay na ng mga pagkakataon.

Wala naman akong nunal sa mukha
pero bakit tumatagas ng madalas ang luha?
Wala ka naming nunal sa talampakan
pero bakit mo ko nilisan?
Natulog naman ako kaharap ng silangan
pero bakit nagbago ang direksyon at nag-alinlangan?
Saan ako nagkulang?

Ang tila otso na araw na para bang walang hanggan
natapos sa isang iglap ng walang hudyat?!
Mahina ba ang aking panalangin sa gabi?
Kaya ba binigay ka sa iba at hindi na sa akin?
Wala na akong kulay kundi itim at puti
pero madalas ay itim…

Pinaikot nga ako ng mga matatanda!
Walang ebidensya pero mahigpit na naniwala!
Naging sunud-sunuran sa mga sabi-sabi
dahil ano nga naman daw ang mawawala
kung hindi susubukan?! Di ba?!

Ano nga bang mawawala kung hindi susubukan?!
Eh ano nga  ba?! Nawala ako sa katinuan.
Sinubukan niya akong sukuan!
Bakit parang ang laki ng nawala?
Bakit parang may nawala? Bakit?

…Hindi na ako muling maniniwala sa pamahiin.
Hindi mo pala doon makikita kung sino ang makakapiling.
Isa ka lang sa mga sabi-sabi,
isa ka lang sa mga pamahiing
walang patunay, walang tibay.


Hindi na ako maniniwala sa pamahiin.

No comments:

Post a Comment