Tuesday, January 10, 2017

PANANDALIANG LUNGKOT

Para ito sa mga taong nalulungkot at dismayado. Habang nagsasaya ang iba dahil sa ganda ng pagpasok ng taon nila. Gusto ko lang na batiin yung mga taong hindi nila alam kung saan huhugot ng lakas. May iba kasi na pagkatapos na magpalit ng taon ay kasabay rin ng pagpalit ng buhay na hindi naman niya inaasahan.

Lahat tayo nawalan. Sa iba’t-ibang paraan. Mula sa mga nawawalang liham, cellphone, pitaka, salamin hanggang sa pagpanaw ng mga taong hindi natin inaasahan. Mula sa mga salitang hindi natin kayang bigkasin dala ng takot na hindi ka maririnig hanggang sa pagsambit ng mga salita na sa panaginip mo lang pala nakamit. Yung akala mo nandiyan na ngunit malayong tanaw pala. Malayo pa pala. Mahirap pa pala pero mas lalong bumibigat pa ang dinadala dahil maraming mga bibig at matang inuutusan kang “huwag mong maramdaman iyang takot na iyan.”

Magdusa ka, malungkot ka, umiyak ka at hayaan mong madurog ka kung minsan dahil tao ka naman at hindi isang bagay na walang nararamdaman. Masanay ka ng mawalan dahil hindi ba nagsimula naman tayo sa wala?

Basta bukas o sa susunod na bukas, pilitin mong labanan ang alon ng sakit, lumangoy sa sarili mong luha at umahon ka sa pagkalunod mo sa lumbay, duda, at takot.


Basta bukas o sa susunod na bukas, sana maging masaya ka na ulit. Masanay ka ng mawalan dahil hindi ba nagsimula naman tayo sa wala?

Sa susunod na araw, hayaan mo, mayroon ka na ulit. 

Sito Longges Hands, "There is hope."

No comments:

Post a Comment