Monday, January 9, 2017

KAYAMANAN NI LOLA MARIA

Masyado akong emosyonal nitong mga huling araw pa. Kasabay ng pagiging emosyonal, nakita ko sa documentary itong isang matandang babae na sumisisid para makakuha ng barya, para may pambili ng pagkain.

Siya si Lola Maria, edad 74-taong gulang. Umaga pa lang dadayo na siya sa pier para sumisid ng barya. Ganoon kahirap ang buhay niya. Nakakamangha kung iisipin na sa edad niya, mahusay pa rin siyang lumangoy. Ngunit alam mo kung saan ako mas humahanga? Sa katatagan niya. Lumalaban sa kahirapan. Hindi kinakaawan ang sarili. Gumagawa ng paraan para may silbi. Pupunta nang maaga sa pier, sinisisid ang barya, lilikumin ang kaunting mga ito, at gagamitin para makaraos sa isang araw tapos bukas ulit. UULITIN NIYA ULIT SA KABILA NG HIRAP.

May halong paghanga at lungkot ang nararamdaman ko. Mag-iisip na naman ako ng kondisyon ng ibang tao. Malulungkot na naman ako kasi maiisip ko na may ibang mayroon naman sila at kumpleto ng kagamitan ngunit salat sa mga aral ng buhay. Subalit may mga taong salat sa buhay ngunit mayaman sa karanasan at aral. Hindi siya salat. Mayaman siya kasi matatag siya. Kinakaya niya. Sinusulit niya ang lakas niya at alam niyang may magagawa pa siya para mabuhay…para lumaban.

Kung siya nga matanda na, wala ring sapat na kayamanan sa lupa, bakit ikaw na mayroon ay nalulunod sa kabila ng mga bagay na mayroon ka? Kailan mo susuungin ang problema? Kailan ka tuluyang matututong lumangoy  at umahon? 


No comments:

Post a Comment