Sunday, June 11, 2017

KASARINLAN

Nasa ika-21 na siglo na, namamayagpag at binubunyi ang pagiging ganap mong malaya mula sa mga dayuhang dumaan at pagwawakas ng paglapastangan sa’yo. Ilang daan na ang nakalipas simula ng sakupin ka ng mga kaaway pero tila may panibagong himagsikan na nagaganap… hindi sa pisikal, kundi sa puso’t isipan.

Malaya ka na ba kung wala ng mga kanyon at baril sa daan? Kung ang mga bolo, lanseta, at itak ay hindi na nagkalat? Malaya ka na ba kung wala ng matataas na pader sa ilang mga isla? Malaya ka na nga ba kung kaming mga anak mo ay hindi na nakakadena at nakabilanggo sa kamay ng mga mananakop? Malaya ka na ba talaga kung may pagkakataon na kaming mag-aral? O ilusyon lang ang lahat?

Nagbago ang panahon ngunit nagbago lang rin ang pang-aalipin. Natutong magbalat-kayo na itinatago sa mga ngiti at pakikipagkaibigan. Kasarinlan nga bang maituturing kung kami rin ang nagiging isang dayuhan sa isa’t-isa? Kasarinlan nga ba kung ang mga pader ay hindi na sa pagitan ng mga bato kundi sa mga pagsasara ng pagkakataong sabihin na “susubukin kong unawain ka” o kaya nama’y “may punto ka” o kaya simpleng pag-amin na “nagkamali ako, susubukan kong itama ito.” Kasarinlan bang maituturing kung ang ilan sa ami’y hindi kayang tumayo sa sariling mga paa para malaman ang katotohan sa mga mapagkunwaring nagmamalasakit sa’yo? Malaya ka na nga ba kung nagpapalaganap ang ilan sa amin ng gulo at hindi kayang harapin ang mga ginawa sa’yo? May kasarinlan nga ba o makasarili na ang ilan?

Kinakandili mo kami ng pagmahahal habang niyuyurakan at ginagahasa ka ng iba. Nalulungkot, nagagalit, at naiinis ako. Patawarin mo kami dahil hindi kami naging mabuti sa’yo. Patawarin mo kami kung ikinukulong namin ang mga sarili sa mga ideolohiya na nag-uugat ng pagkakawatak-watak naming magkakapatid! Isinusuka namin ang isa’t-isa!

Wala ng mga kadena at bilanggo mula sa iba pero heto’t kami’y ikinukulong ang mga sarili sa kanya-kanya naming mundo! Wala ng mga bolo, lanseta, at itak o mga baril para sa mga dayuhang kaaway pero nandito ang mga matatalim na mga salitang tumatarak at bomba para sa isa’t-isa! Kinasusuklaman ko ang mga gawain ng mga kapatid ko! Kinasusuklaman ko na minsang naging bahagi ako ng pamilyang ito! Simula nang iniwan tayo ng mga nakatatandang kapatid para ibuwis ang kanilang sarili para isalba pa ang natitirang kahihiyan sa atin ngunit mas lalo lang lumala ang lahat!

Masakit man ngunit nahihiya akong humarap sa’yo. Nagagalit ako. Nalulungkot. Halu-halong pakiramdam. Hindi ka mahirap mahalin, Inay. Sadyang wala lang kaming lakas ng loob para tanggapin ang isa’t-isa… mahina at matigas para maunawaan ang salitang “kapwa.”

Malaya ka na ba, Inay? Malaya na nga ba kami ng mga kapatid ko? Malaya na nga ba tayo? Nakakalungkot na ang kasarinlan ay hindi sukatan ng pagiging malaya mula sa rehas at kadenang bakal kundi sa mga pagkakataong pinili maging bukas ang isipan, magalang sa karapatan ng iba, at tumutulong sa ikalalago mo. Ngunit pinili naming magpaagos sa ideolohiya ng nakararami, magpabulag sa baluktot na katotohan, maging bingi sa sigaw ng mga mamamayang lupaypay sa kahirapan, at sumabay sa ingay ng mundong walang katahimikan.

Kalayaan o paghalay. Kasarinlan o makasarili na ang ilan. Hindi ko na alam dahil nakikita kong magkakalayo na ang tatlong mga bituin sa bandila at nagiging malamlam na ang kasikatan ng araw.

Nawa’y bigyan mo pa rin ako ng pag-asa.


No comments:

Post a Comment