Monday, June 19, 2017

KAILAN BA SASAPAT?

Ilang beses mo ng tinatanong ang sarili mo, kailan ba matatapos ito? Paulit-ulit na lang ba halos lahat ng nangyayari sa buhay mo? Parehas na mga anino sa daan, iba't-ibang hugis ng mukha at katawan pero halos iisa lang naman silang lahat sa paningin mo sa tuwing madadatnan mo sa araw-araw, sila yung mga taong walang mukha sa'yo kasi hindi mo naman sila kilala...ni hindi mo rin alam ang pinagdadaanan nila. Ganoon rin naman sila sa'yo.

Tahimik kayong magkakatabi sa isang lugar, sa panandaliang oras nagkakasabay kayo at maya-maya naman ay kanya-kanya na kayo ng patutunguhan. Bukas, uulit na namang muli. Susubukang ngumiti, magsalita, at makinig. Iwawasiwas ang mga kamay na animo'y walang takot na nadarama o lungkot na mababakas sa mukha. Ngunit pagkalipas ng walong oras na pagbabalat-kayo, babalik ka na namang muli sa madilim mong kwarto. Huhubarin ang maskara.

Pagkamulat ng mata, uulitin na muli. Magtatanong na naman, kailan ba matatapos 'to? Alam mo yung pakiramdam na parang may kulang o parang hindi ka sapat pero hindi mo alam kung ano...o alam mo naman kaso ayaw mong aminin sa sarili mo? 

Kailan ba matatapos ito? Magsisimula mong malaman ang sagot sa sarili mo.

No comments:

Post a Comment