Pagmamahal.
Hangal. Bahaghari. Hindi maaari. Ibig kong umibig.
Kailan
ipinagkait ang pagmamahal? Kailan ipinagkait ang pag-ibig? Sa mundong maraming
matang mapanghusga at dilang sintalas ng lanseta, nagtatago ang isang taong
gustong magmahal at mahalin.
Maraming
tanong na kailangan pang sagutin. Maraming paliwanag na dapat nilang marinig o
hiling na dapat dinggin.
“Kailan ba
ako nagkautang sa’yo?”
Kung minsan
iyan ang tanong na gusto kong ibato. Wala kang alam sa nararamdaman ko. Kung
gaano kahapding magmahal ang isang tulad ko ngunit marunong magbuhos at
magmahal ng totoo. Kung gaanong kasakit ang itagong nagmamahal ako ay siya ring
kay sarap sa pakiramdam na tanggapin ng isang taong uunawa sa’yo…ng buo.
Noong una,
parang isang palaso ang tumagos sa pagkatao ko mula sa mga katanungan at mga
salitang nanggaling sa ibang tao:
“Mag-anak ka kahit isa.”
“Sinong mag-aalaga sa’yo kapag tumanda ka?”
“Sayang!”
“Alam mo naman, hindi ka ikakasal, di ba?”
May
panghihinayang sila sa akin. Hindi raw ako nararapat na magmahal ng kapwa ko
babae dahil isa akong babae. Hindi kami ikakasal at hindi rin kami magkakaanak.
Wala raw magbabantay sa amin kapag tumanda na kami. Nakakainis iyon, totoo.
Isang simpleng pangungusap lang para sa iba pero hindi ko ito gustong pakinggan
dahil para bang nag-uutos ito sa buhay ko…kahit hindi ko naman hiningi ang
opinyon nila.
“Kailan ba ako nagkautang sa’yo para sabihin mo sa akin iyan?
Kilala mo ba ako at alam mo ba ang sinasabi mo?”
Pucha
naman! Kung manghihinayang ka na rin lang sa akin, sana ay nanghihinayang ka rin sa ibang mga taong nagpapakasal at
nag-aanak na nagiging iresponsable, yung napagkakamalang libog ang pagmamahal.
Kung gusto
kong magka-anak, mag-aanak ako hindi dahil sa gusto kong alagaan niya ako kundi
dahil gusto ko, kaya ko, at mahal ko ang bata. Naramdaman ko. Maraming bata ang
walang magulang sa mundo, naipanganak dahil sa ilang mga taong nagkataon na
hindi nila kayang mapanagutan ang pangyayari sa kanila. Marahil, nandito kami
para bigyan sila ng tahanan.
“Alam mo naman, hindi ka ikakasal, di ba?”
Hindi
ko gustong agawin iyang kasal sa’yo ngunit huwag mo naman akong alisan ng
karapatang bigyan ang minamahal ko ng karapatan na matamasa niya ang mga
pinagpaguran ko. Tao ako kaya may karapatan ako. Hindi ba’t ginagawa ang batas para sa tao? Na kahit kabilang ka sa
minorya ay may karapatan kang pahalagahan. Hindi ko hinihiling ang kasal
para lang sa ritwal at malaman ng ibang taong nagmamahalan kami. Maraming
paraan para maipakita iyon at napakakitid ng isipan mo kung ikinukulong mo ang
pagmamahal sa ganoong paraan. Bigyan mo lang kami ng batas na po-protekta na
kapag isa man sa amin ang mawala, masisiguro na hindi mapapabayaan ang aming
naiwan.
Kung
tutuusin, ayos lang na hindi ako ikasal. Magmamahal ako hangga’t humihinga ako,
hangga’t kaya ko. Walang labels. Walang pagkukunwari. Alam niya ang pagkukulang
ko at alam niya ang lahat sa akin. Alam niya ang mga sugat kong hindi lubusang
gumaling ngunit nandiyan siya para ako’y yakapin.
Dahil ang alam ko, ang magtatali sa dalawang tao ay ang kanilang
mga kaluluwang nagmamahalan ng totoo.
Huwag mong
sabihin na duwag ako dahil mas matapang pa ako sa inaakala mo. Nagmamahal ako
sa kung anong nararamdaman ko, sinasabi ko ang mga bagay na hindi gustong
marinig ng iba…kahit hindi ito pasok sa iniisip ng nakararami. Hindi ba’t mas
matapang ka kung pinasok mo ang isang relasyong tulad ng mayroon kami?
Karaniwan na ang kalaban mo ang mundo, maraming mapanghusgang tao, walang
seremonyas, walang proteksyon ang karapatan…pero pinili mo pa rin na magmahal
DAHIL TAO KAMI AT ALAM NAMIN ANG NARARAMDAMAN NAMIN.
Hindi ba’t
matapang kami? Kahit na naghuhumiyaw kami para ilaban ang aming karapatan,
hindi mo pa rin kami pinakinggan. May narinig ka ba sa amin? Karaniwan
tinatakpan ang aming bibig. Marami sa amin ang namamatay ng malungkot
dahil hindi kami tinanggap.
Hindi mo
naranasan ang kutyain, ang magbukas ng dibdib at sabihin “Ma, tomboy ako” na
may takot sa dibdib na baka hindi ka tanggapin o kaya naman maging kabawasan
iyon ng pagmamahal sa iyo. Hindi mo naman narinig sa isang bata na, “Ma, babae
ako.” Dahil sa malamang sa malamang, isasagot ng nanay mo na “ Ano ka ba!
Syempre babae ka!”
Masuwerte
ka dahil wala kang ipinaglalaban ng gaya sa amin. Masuwerte ka dahil nasa loob
ka ng tahanan mo at walang placard na bitbit o kaya naman magparade sa daan
para lang ipakita na “tao kami tulad ninyo at normal rin kami.” Sa salitang
normal, subhektibo ito pero gusto ko lang sabihin na hindi mental illness ang
pagiging isa sa LGBTQ+. Hindi rin ito nakakahawa. Magbasa ka ng aklat, kausapin
mo ang mga kaibigan mo sa nararamdaman nila kung kaibigan ka nga talaga para
malaman mo, at mas lawakan mo pa ang isipan mo. Hindi kami espesyal. Simpleng tao
lang kami na nangangailangan ng proteksyon tulad ninyo mula sa batas at sa
ibang tao.
Sa isang
banda, lahat naman tayo ay nakaranas ng pagbubukas at pagtalon, sa iba’t-ibang
paraan at sa iba’t-ibang pagkakataon pero pare-parehas lang tayong nilalang na
nakatapak sa lupa. Kung mayroon mang pagkakaiba ito ay maaaring dulot ng iba’t-ibang
karanasan at kombinasyon ng mga bumubuo sa katawan pero halos iisa lang rin
naman ng hinaing, ng kailangan, ng hinahanap.
Pagtanggap, respeto,
ligaya at pagmamahal. Napakaliit ng mundo para gawin pa nating mahirap at
malupit sa lahat.
Piliin mong
maging maligaya. Piliin mong magmahal. Hayaan mong kulayan namin ng bahaghari
ang mundong puno ng lungkot, galit, at poot.
Mahal ka pa rin namin kahit ang sakit-sakit na. Maghihintay
kaming mahalin at tanggapin mo rin kami.
No comments:
Post a Comment