Nakikinig lang ako ng kantang 'to. Sobrang bumalik lang lahat pero mas lamang ang saya sa panahong 'to. Marami lang akong iniisip pero alam mo, totoo ang sinabi diyan sa kanta.
Hindi mo na lang mamamalayan na bigla na lang palang lumipas ang panahon. Sa dalawang taon na pananatili ko sa maliit na paaralan sa Rizal pero kilala sa Rizal, sobrang naging masaya ako. Marami akong natutunan. Marami akong binaon. Palagay ko, ninamnam ko naman ang mga bagay na naranasan ko doon. Sa loob ng dalawang taon, para lang akong pumikit. Maraming nagbago at maraming alaala na dadalhin ko.
Ang galing! Akalain mong sa loob ng panahon na iyon, sa dami ng nangyari, kaya mong maikahon sa isang maliit na alaala? Pinakamasayang alaala ko doon ay ang mga bagay na hindi kailanman nakunan ng kamera. Sa unang pagkakataon ngayong taon, niyakap ko ang nanay ko sa kolehiyo, ang dean ko na gumabay sa akin at nagtiwala sa kakayanan ko. Siya rin ang unang taong nagpakita ng lungkot sa pag-alis ko pero sabi ko nga hindi naman sa pag-alis ko sa pamantasan na iyon matatapos ang lahat. Hindi naman ako mabilis makalimot, alam ko naman ang lahat at marunong akong tumanaw ng utang na loob.
Buong pagpapakumbaba kong pinapasalamatan lahat ng tao roon. Hindi ko man magawang sabihin sa kanila iyon ng harapan ahahaha kasi hindi naman ako showy sa emotions ko. Sa blog ko na lang sinabi, sana nakita na lang nila iyon sa mga panahon na nakasama ko sila... na yung simpleng, "salamat" at "ingat" na sinasabi ko ay katumbas ng "mahalaga ka."
Salamat sa mga taong nakilala ko roon dahil malaki ang naging bahagi nila sa buhay ko.
Haharapin ko na naman ang taon sa ibang lugar! Excited na ako.
Lilibutin ko na naman ang ilang lugar at hahanapin ang mga kwento ng ibang tao para may baon ako sa pagtanda ko. Panibagong mga mundo na naman ang makikita ko.
Sa isandaan taon na pagkakataong mabubuhay ka (kung papalarin man), gawin mo na nang maganda, maligaya, at makulay.
No comments:
Post a Comment