Nitong araw lang, nagbigay ako ng Mental Health Awareness seminar para makatulong sa mga estudyante sa maliit naming pamantasan. Pagkatapos nito nagkaroon ako ng ilang kliyente na may concern sa mental health. Problema sa kapatid o kapamilyang may ganoon.
Sumunod nagkaroon ng seminar tungkol sa LGBT Psychology na pinamunuan ng isa sa kilala sa larangan ng Sikolohiya. Matapos niyang magsalita, isa sa mga estudyante ko sa forum ang 'nag-out.' Wala naman sa akin iyon pero may kaunting pagkagulat na may halong saya dahil alam kong lumakas ang loob niya. Kinabukasan, isa sa mga estudyante ko ang pumasok sa opisina ko. Maaga iyon kaya alam kong mukhang seryoso ang magiging usapin. Matapos kong tanungin kung ano ang magagawa ko para sa kanya, sinabi niya sa akin ang dahilan kung bakit siya pumunta sa akin. Gusto niyang sabihin na 'bisexual siya.' Nabunutan ng tinik sa dibdib. Iyan yung palagay kong sakto para mailarawan ang nangyari. Umiyak siya sa usapan namin kasi hindi niya pa rin alam kung paano sasabihin sa nanay niya. Pero kitang-kita ko sa mga mata niya, masaya siya.
"May halong takot pero mas lamang ang saya."
Nagkaroon kami ng kwentuhan na para bang magaan ang lahat. Mula sa kung kailan niya nalaman, itinanggi, tuluyang tinanggap sa sarili, at ang kagustuhang ipaalam sa mundo kung sino siya. Naikwento ko rin kung paano ko binuksan ang sarili ko sa mga magulang ko. Nabanggit ko na:
Kung minsan, nararamdaman naman ng pamilya natin kung sino talaga tayo. Kung minsan, tayo talaga ang humahadlang na maging masaya kasi hindi natin tanggap ang sarili natin.
Komplikadong paliwanag eh, isa kasi sa nagpapabigat ng pakiramdam ay ang iisipin ng ibang tao. Sabi nga ng estudyante ko, hindi siya talagang sobrang masaya sa mga nangyayari sa kanya kahit na maraming humahanga sa kanya o papuri siyang naririnig. Bakit? Kasi nasa likod ng isip niya na ang taong hinahangaan ng ibang tao ay hindi ang kabuuan niya. Pakiramdam niya, may lihim siyang tinatago na kung malaman ng iba...baka hindi na siya magustuhan.
Natapos ang usapan naming dalawa nang masaya siya. Sa totoo nga, nagbigay pa siya sa akin ng mensahe na dalawang minuto bago maalis sa mukha niya yung ngiti dahil naramdaman niyang may tao rin palang uunawa sa kanya. Sabi ko, maraming nagmamahal sa kanya. Subukan niya.
Sa pagtalon niya, sasamahan ko siya. Aalalayan ko siya dahil sa ganoong maliit at masikip na kwarto rin ako nagmula. Alam ko ang pakiramdam ng hindi makahinga. Aakayin ko siya kasama ng ilang mga taong nasa likod ng makukulay na bahaghari.
Isa pa sa mga estudyante ko ang lumapit sa akin. Siya naman ay may ADHD. Kaya pala napapansin kong parang may iba sa kanya pero hindi ko na inisip iyon kasi magaling siya sa klase at wala naman akong masabing hindi maganda sa kanya. Hindi ko akalain na naging malapit din sa akin ang batang ito. Nahihirapan siya at sabi nga niya sa akin na nahihirapan din daw ako sa kanya. Kung minsan, oo pero bakit naman ako susuko sa kanya? Isa ito sa trabaho ko ang tumulong. Gusto ko siyan i-refer sa iba sabi ko para mas matulungan siya ngunit tumanggi rin siya. Tinanggap ko naman ang desisyon niya.
Masaya ako nitong huling gabi dahil nakikita ko na pinipilit naman niyang gawin ang ilan sa mga pinapagawa kong behavior modification. Natutuwa naman ako sa appreciation niya. Sana maging ayos rin siya. Nang una, mahirap sa dibdib ang dinadala niya. Parang pag 'out' din nga daw ang nangyari sa kanya kasi dahil sa kondisyon nya. Alam niyang hindi lahat mauunawaan siya sa mga ikinikilos niya. Ang sabi nga niya, ilan sa mga kaklase niya ang sumusuko na sa kanya...napapagod na raw. Ang sabi ko naman hayaan mo muna. Sa totoo, masuwerte rin siya sa mga kasama niya dahil marami roon napaka-supportive. Nitong gabi lang, ilan sa amin ang nagpakita ng suporta sa kanya sa pamamagitan ng pag-post ng status na naghahayag ng ADHD Awareness. Pinost ko rin iyon sa page namin sa PPR. Sa ngayon, nagiging ayos naman siya. Sana talaga.
Mula sa mga pangyayaring ito, gusto kong ibahagi ang ilan sa mga natutunan ko:
Sa isang banda, lahat tayo ay nakaranas ng pagbubukas at pagtalon! Ito ay sa iba't-ibang paraan at sa iba't-ibang pagkakataon! Iba't-ibang karanasan pero pare-parehas na nilalang...may puso at may isip, di ba?
May pinagkaiba ba ako ngayon sa iyo?Meron pero halos may pagkakatulad. Sa iba't-ibang paraan lang at pagkakataon tayo nagkaiba...mula sa karanasan at kombinasyon ng mga bumubuo sa katawan pero iisa lang naman rin ang hinaing, ng kailangan, ng hinahanap.
Ito ay ang tanggapin, respetuhin, maging maligaya at mahalin. Napakaliit ng mundo para gawin pa nating mahirap at malupit para sa lahat.
Gusto kong tumingala ka at tignan mo ang kalawakan.
Makikita mo na ang kalawakan ay binubuo ng iba't-ibang hugis at laki ng mga bituin, planeta, bulalakaw at kung anu-ano pa. Hindi sila nagtatalo bagkus umiikot o kaya nama'y magkakaakit sa isa't-isa. Tanggalin mo ang mundo at may epekto ito sa kabuuan, di ba? Tanggalin mo ang buwan sa mundo at ano ang magiging epekto?
Kailangan natin ang isa't-isa. Kung huhusgahan mo ako sa kung anong wala sa akin ay wala kang mapapala.
Tumingala ka at tingnan mo ang kalawakan.
Kumikinang at nagliliwanag silang lahat sa dilim...parang ikaw at ako. Sa isang banda'y may lihim at kaunting kasiraan pero ito ang magbibigay ng kagandahan ng kung sino at kung anong mayroon ako.
Kaya gusto ko na bago ka matulog, tumingala ka lang sa kalawakan. Isipin mo ako.
No comments:
Post a Comment