Ipikit mo ang mata mo pagkabasa mo ng katanungan ko.
"Ano ang imaheng lumalabas sa isip mo kung bakit ka lalaban?"
May sagot ka na ba? Kung wala. Subukan mo ulit. Ang taong mahahalaga sa atin, kadalasan sila ang huli nating iniisip o kaya naman'y unang iniisip pagkagising. Isipin mo na lang sila habang hindi mo pa alam kung para saan ba iyan.
Nanggaling rin ako diyan sa maliit at masikip na kwartong iyan. Hindi ko nauunawaan ang sarili ko pero nakita ko na ngayon. May mga panahon lang na malulungkot ako pero natural iyon sa pagiging tao dahil may pakiramdam ako. Dahil alam ko kung ano ang dulot ng nararamdaman ko, alam ko rin kung paanong bumalik sa dati.
Nakakapagod naman talaga mabuhay pero hahanapin mo lang kung ano ba ang mga bagay na karapat-dapat mong pagpaguran. Matuto ka ring magpahinga. Hindi porke't pagod ay ihihinto mo na.
Paulit-ulit na proseso. Paulit-ulit iyang pagod na iyan. Isang siklo ng masaya, malungkot, masaya, malungkot, magana, nanghihina, o kung anu-ano pa. Kung hindi mo alam ano ang mga pinagmumulan ng nararamdaman, makakain ka ng isang magulong proseso. Kaya aalamin mo para makasabay ka. Sa ganoong paraan ako natuto. Hindi ko lang alam kung paano kang matututo.
Nakakapagod kung hindi mo alam kung paano maging kaibigan ang mga nagtatalong emosyon at mga ideya sa isip. Mga boses na bumubulong at nililigaw ka sa talagang dapat mong paroonan. Kaya kailangan mong makinig. Kailangan mong tumingin. Kailangan mong maging matatag.
Sumabay ka.
No comments:
Post a Comment