Wednesday, October 26, 2016

ANINO

Kilala mo ba ako? Kilala mo ba ang katulad ko kung saan ako nagmula?

Alam mo ba kung saan ako nagsimula? Kung gaano ako lumaban noon mula sa putikan at kung gaano akong nagtiis sa sakit para lang may maibatong ngiti sa kasalukuyan. Kaya nga ba't nabansot na rin ako dahil dala ng kahirapang dulot ng sa bulsa, kawalan ng pagkain sa hapag, at sa iniindang sakit sa dibdib dahil sira na ang sandalan.

Alam mo ba kung gaanong kapangit ng ugali ko, kung gaanong inayawan ko ang sarili ko sa salamin, kung gaano ko tinakbuhan ang sarili ko noon, at kung anong bumabagabag sa dibdib.

Palagay ko'y hindi. Maaaring walang nakakakilala sa akin. Kung ano ang tunay na ngiti, ligaya, luha, lungkot at takot. Huhusgahan ka ng mundo sa kung anong hitsura mo at palagay ko, nahusgahan na ako.

Pero wala akong pakialam.

Nanggaling ako sa kawalan. Kawalan ng kinapitan kundi iilang taong tumanggap sa akin...na tipong dumating rin ang panahong anino ko na lang ang yumakap sa akin mula sa madilim na nakaraan, anino ko na lang ang sumabay sa akin, at anino ko na lang ang tumanggap sa akin.


No comments:

Post a Comment