Friday, September 23, 2016

HANGAL

May kung anong saya kang nadarama.
Simula nang nakita mo siyang may bitbit na ngiti.
Ikaw nama'y nag-umit ng tingin.
Sa panlabas mo'y kunwa'y walang pakiramdam,
pero ang puso mo'y may ligayang kinamkam...
Kinukubli at kinakandili para mapanatiling masaya.

Nililihim mo ito kasi'y sinabihan kang saliwa.
Oo, saliwa dahil hindi ito tama.
Ngayong ikaw ay abot-agaw sa nararamdaman,
gagap ang pag-asang baka pwede naman
kaso alam mong hindi talaga agpang.

Kaya mag-isa kang muli't sa isang maliit,
masikip na kwartong walang makapag-aliw,
kundi ang sarili...
Hinahaplos ng iyong mga kamay
gahak na puso sa dibdib.
Walang magkakandili. Walang tatanggap.

Alam mo kasi na itoy ilusyon.
Binuo ng isipan mula sa pagnanais.
Dito nagsimula ang hangal.
Nang-uumit ng tingin
palihim na ngumingiti.

Masaya na sa kanyang lihim.

No comments:

Post a Comment