Seklusyon at Die Beautiful
Image Source |
Image Source |
SEKLUSYON
Sa totoo lang, hindi naman sobrang nakakatakot ang pelikulang ito. Tamang gulat lang at tamang takot. Ang nagdala sa palabas na ito ay ang mga ideyang kalakip nito, mga eksenang kikiliti ng isipan mo at mag-iiwan ng tanong patungkol sa moralidad. Ano bang tama at ano bang mali? Ito ang pakikipagtunggali sa free will at faith. Kasama na rin sa ganda ng pelikula ay ang husay ng mga bumuo nito. Ang galing talaga ng picture at screenplay.
Nakakamangha, hindi takot ang dala niya tulad ng mga tipikal na horror movies. Binaon niya ang mga takot sa pamamagitan ng pagpapakita na tayo ay hinahabol ng sarili nating mga multo. Pinakita ito sa kalagitnaan kung saan nasa seklusyon ang mga dyakono bago sila magpari.
Sa kwento kasi kailangang manatili ng isang linggo ng mga dyakono sa isang lugar na tahimik, magseklusyon, bago sila tuluyang maging pari. Ito raw ay isang mahirap na yugto dahil mas malakas raw ang mga demonyo para akitin sila sa temptasyon kaya kailangang mas maging matatag sila. Kasabay ng pagpapakilala sa isang dyakono ay pagpapakilala rin sa isang madre na kasa-kasama ng isang batang pinapaniwalaan na propeta.
Sa madaling salita, ang naging tunggalian ng kwento ay nang makapasok sa isang lugar, kung saan naroon ang mga dyakono, ang propetang bata at ang madre. Gusto ko sa mga eksena ang hiwaga kung paano nalalaman ng bata ang personal na karanasan ng mga dyakono. Iyon pala, isa pala talaga siyang diablo na nagbalat-kayo na tagapaglitas.
Pinaka nagustuhan ko sa kwento nang magkaroon ng pagkakataon na patayin ng bida ang bata. Bago niya ibaon ang lanseta sa bata nagbitaw ito ng salita, "Huli na ang lahat, Miguel." *hindi eksaktong mga salita* Pagkatapos, sinaksak ng bida ang bata tapos tumakbo na siya papalayo, tumakas . *sa perspektibo niya*
Makikita sa eksena na iyon yung pagtatalo kung itutuloy ba ng bida o hindi. Kung isusuko niya ang pagkapari niya at mapalapit pa sa Diyos dahil sa napiling bokasyon o papaslangin niya ang batang naghahasik ng dilim. Sa huli, pinili niyang patayin. Ang tanong: Nagwagi ba siya? Tama ba ang ginawa niya?
Ang pinakahuling eksena ng palabas: Binendisyunan ang tatlong dyakono bilang pari. Ito ang tatlong dyakono na pumigil sa bida na huwag patayin ang bata dahil malaki raw ang naitulong noon sa kanila para magtagal sa seklusyon. *na kung titignan para lang silang pinaiikot ng bata dahil alam ang kahinaan nila*
MGA NAISIP SA SEKLUSYON:
1. Makikita na ang takot na binaon ng mga dyakono sa seklusyon nila ay mga sarili nilang multo. Ito ang mga bagay o isyu na pinilit nilang takbuhan o itago sa pagpasok sa pagpapari. Kaya pumasok sa isip ko, pinasok ba nila ang pagpapari dahil ito ay bukal sa loob nila o isa itong form ng defense mechanism na sublimation? Bahala ka nang humusga pero alam ko ang sagot ayon sa sarili kong interpretasyon.
2. Hindi nagwagi si Miguel na labanan ang diablo. Lose-lose situation siya. Kung itutuloy niya ang seklusyon sa ilalim ng bata at ng madre, maaaring maimpluwensyahan siya ng kasamaan noon. Hindi niya ginamot ang kasamaan bagkus sumapi siya roon. Kung patayin ang bata, talo rin siya. Sa pagpatay niya roon, isinuko niya ang paglapit sa panginoon. Kumitil siya ng buhay. Wala na rin siyang pagkakaiba sa kasamaan kaya naintindihan ko ang mga salitang binitawan ng bata bago siya patayin, "Huli na ang lahat, Miguel." Ni hindi siya pumalag o nanlaban kasi alam niyang nagwagi siya. Hinayaan niyang patayin siya ni Miguel.
Naging pari ang tatlong dyakono sa ilalim ng bata. Isang katibayan na may naiwan rin siya.
3. Napaka-kontrobersyal lang ng naisip ko pero ayon ito sa kwento. Hindi porket nakasuot ka ng abito ay nasa tuwid kang daan *base lang sa kwento hindi maaaring ma-generalize sa totoong buhay lahat*. Kung susuriin ang kwento, ang tatlong dyakonong naging pari sa kwento ay pinagbigyan ng bata na huwag labanan ang kanilang temptasyon dahil hindi raw gusto ng Diyos na pagkaitan sila ng bagay na gusto nila. Kumbaga, nakuha nilang maging pari sa pamamaraan na hindi naman nila tuluyang nalabanan ang temptasyon.
4. Malaya talaga tayong pumili ng gusto nating paniwalaan. Ang mahirap malaman ay kung ito bang ginagawa natin ay tama. Makikita na maraming natutulungan ang batang propeta pero sa kabila noon, palihim rin siyang naghahasik ng kasamaan.
DIE BEAUTIFUL
Ang ganda nito! Sobrang tinamaan ako sa ilang mga eksena dahil ilan lamang iyon sa mga kwento at issues na kinakaharap ng mga kapatid kong nasa LGBT Community. Ang galing ng mga artista kaya hindi nakakagulat na manalo ang mga bida ng best actor at best supporting actor.
Kung titingnan, napakasimple ng mga linyang binabato ng mga bida pero ang tumagos sa damdamin ko ay yung sinisigaw ng facial expressions nila. Sobra. Pinatawa at pinaluha niya ako. Pinaramdam niya sa akin kung paanong maging tao dahil naramdaman ko ang sakit at hinaing ng nasa LGBT Community. Sinalamin niya ang hinaharap namin. Bilang lesbian, nakaramdam ako ng sakit sa puso nang hindi tanggapin si Patrick/Trisha (Paulo Ballesteros) ng tatay niya lalo na noong kamuhian siya na para bang hindi siya kadugo. Naramdaman ko yung sakit kahit na hindi naman ako pinagsalitaan ng magulang ko ng ganoon, nakarelate lang ako dahil sa mga karanasan ko noong nakaranas rin ako ng diskriminasyon mula sa ibang tao. Sa palabas, tatay niya ang gumawa noon. Mas masakit iyon ah? Nakarelate rin ako dahil ganyan rin ang issue ng ilang mga kakilala ko sa community namin.
Damang-dama ko ang pagpipigil ni Patrick/Trisha sa tunay na siya kapag kaharap niya ang tatay niya. May ganoon rin kasi akong problema noon, natatakot akong baka hindi ako tanggapin ng mga magulang ko at ng ibang tao. Marami kasing taong mapangmata at hindi ko alam kung makakayanan ko ba. Kaya sa mga eksena, talagang tumagos sa akin eh.
Gusto ko rin ang pag-arte ni Barbs (Christian Bables), ang matalik na kaibigan ni Patrick/Trisha. Ang sarap sa pakiramdam na may ganoon kang kaibigan na mahal ka sa higit pang kayang gawin ng magulang mo. Alam mo iyon? Alam niyang lahat sa'yo kasi hindi ka niya hinuhusgahan. Sobrang nakarelate ako doon. May matalik rin kasi akong kaibigan, siya rin ang girlfriend ko. Siya lang ang may alam ng lahat sa akin kahit hindi ako magsalita. May matalik pa akong kaibigan na tatlo pero ang higit sa kanila ay ang girlfriend ko. Ang husay ni Christian Bables! Sobra! Kaya nanalo siya bilang best supporting actor eh!
Naramdaman ko iyong sakit at lungkot niya nang lalagyan niya ng make-up si Patrick/Trisha sa ataul. Binigas lang niya ang mga katagang, "Pagagandahin ulit kita," pero sobrang powerful ng facial expression niya. Nandoon ang lungkot at sakit na makita mo ang kaibigan mo ng napakatagal tapos ikaw pa ang maglalagay ng make-up sa kanya saka lungkot dahil hindi hanggang sa huling mga sandali hindi tinanggap ng tatay ni Patrick/Trisha ang pagkatao niya.
MGA NAISIP SA DIE BEAUTIFUL:
1. Una sa lahat, hindi straight man si Jessie (nakarelasyon ni Trisha), bisexual siya. Pangalawa, hindi bakla o gay si Patrick/Trisha, isa siyang transwoman kasi identified siyang babae at may transformation siya. Bisexual si Jessie kasi sabi niya mahal niya si Trisha (attracted sa trans) at may asawa rin siya. Ang huli, doon lang sa aspeto na iyon nagkaroon ng minor error sa pag-alam ng sexual orientation ng mga characters. Ayos lang naman sa akin na may ganoong isyu kasi sa totoong buhay, sinasalamin naman niya talaga ang ideya ng ilang mga kapatid namin sa LGBT. May ilang transwoman na hindi pa rin nila alam na transwoman ang talagang tawag sa kanila basta alam nila bakla o gay sila. Ang iniisip kasi ng nakararami na nakakulong lang ang ideya na ang transgender ay mga dating babae o lalaki na nagpasurgery ng genitals nila. Ito ay patungkol rin kung paano ba nila i-identify ang sarili nila sa kabila ng kung anong genitals ang mayroon sila. Sa identity ang isyu ng transgender. Sa personal ko naman, lesbian ako kasi attracted ako sa same sex ko pero hindi ko ina-identify ang sarili ko bilang lalaki talaga. Ayos lang sa akin na tawagin akong "she" o "ms" na iba tulad ng isang transman. Ang transman, bukod sa attracted sila sa babae, identified nila ang sarili nila sa paggamit ng pronouns na "he" o "him." As in lalaki talaga ang idenfier nila saka sila ang karaniwang nagpapasurgery. Pansinin, "surgery" ang term na ginamit ko hindi "sex transplant" na animo'y hiniram ang genitals mula sa ibang tao at kinabit sa isang buhay na tao.
OMG! Salamat sa PAP-LGBT Special Interest Group! <3
2. Gusto ko ang isyu ng pagiging nanay ni Patrick/Trisha. Tama siya na nanay siya kasi inaalagaan niya ang bata na hindi niya kadugo pero tinuring niyang parang tunay niyang anak. Tulad nga ng sinabi niya, hindi kagaya ng iba na anak lang nang anak pero walang malasakit sa mga anak. Pinakita doon ang pagmamahal na hindi nakikita kung magkadugo kayo...na kaya mong maging isang pamilya sa pamamagitan ng tunay na malasakit, pagmamahal, at pagtanggap.
3. Nakakaawa ang mga katulad rin namin. Wala kaming pantay na karapatan tulad ng heterosexual, sana maisip ng mga manonood ang mga isyu na kinaharap ng bida. Ultimong pagpasok sa palikuran at iisipin ng mga bata sa kapwa nila bata kung may magulang na LGBT ang kaklase nila. Sana maisip nila na palakihin ang mga anak nila ng may pagtanggap dahil ang love ay hindi naman masusukat sa genitals na mayroon ka o sa pananamit mo...nasa pakikitungo mo sa kapwa mo. Hindi namin kailangan ng special rights dahil hindi kami humiling ng special rights kailanman, hinihiling namin ang pantay na karapatan dahil tulad nila...tao kami. Hindi ba, kapag tao ka, may karapatan ka ring pangalagaan at may karapatan ka rin na makamit ang mga benepisyong nakukuha ng ibang tao ng naaayon rin sa batas?
4. Masarap mabuhay kung magiging totoo ka sa sarili mo lalo na kapag tanggap ka ng mga mahal mo sa buhay. Masyadong malupit ang mundo para magdulot ka pa ng sakit sa iba at masyado ng mahirap ang lahat kaya iwasan na ang pagiging mapaglaro sa kapwa (hindi lang sa LGBT para gawing katatawanan pati na rin sa iba) at maging mapanghusga. Sa huli, pare-parehas lang naman tayong mahihimbing sa panghabambuhay na pagtulog at ibabaon sa lupa. Lahat tayo magiging pataba sa lupa. Kaysa mabuhay ng may saradong kaisipan at hindi pagtanggap sa kalikasan ng tao, bakit hindi na lang tayo magmahal at magmalasakit? Bakit hindi natin yakapin ang bahaghari?
Sana next year, ganito ulit kaganda ang MMFF.