Tuesday, November 1, 2016

YUMAO

Siguro wala ng mas mahirap pa kundi ang makaramdam na nakalimutan ka na.

Aminin mo. Nobyembre ang buwan kung saan saka mo lang maaalala ang mga taong naging bahagi ng buhay mo. Ako, aaminin ko. Sumasagi rin naman sa isip ko pero sa ngayong buwan ko sila inaalala ng lubos.

Nakakatuwang isipin na buhay sila noon at nakakausap mo. Masayang alalahanin yung ilang mga alaala na nandiyan sila sa tabi mo...pero sa alaala na lang.

Maraming beses rin naman akong nagsisisi. May mga panahong hindi ko nasabi sa lola ko na patawad at naging malikot akong bata. Mabilig magpahabol at nagkukunwaring nagsiyesiyesta para magkameryenda sa kanya. Gusto kong sabihin na masaya akong naging lola ko siya at huwag na siyang umiyak dahil mahal ko siya.

Kaso hindi nagkaroon ng pagkakataon kasi wala na siya.

Parang isang kisap-mata lang. Wala na ang taong pinakamatapang na kilala ko at ang malungkot doon...hindi ko nasabing mahalaga siya sa akin. Kung multo man siya at susubukan niyang basahin rin ang sinulat kong ito, hindi niya mababasa dahil hindi siya marunong magbasa't sumulat.

Tuwang-tuwa siya noon nang malaman niyang marunong na akong magsulat ng pangalan ko sa papel at magbasa ng abakada pero hindi niya akong nagawang yakapin. Konting ngiti lang ang binato niya sa akin ngunit alam kong masaya na siya noon.

Sana naturuan ko rin siyang magsulat at magbasa. Sana natulungan ko rin siyang ipagtanggol ang sarili niya mula sa mga kaibigan niyang ginawa siyang alila. Sana nasabi ko sa kanya na importante siya sa amin. Kasi alam kong naging mahirap rin sa kanya noong nabubuhay siya na nakikita siyang matapang sa bahay at alam kong wala siyang mapagsabihan kung nahihirapan na siya.

Kaso huli na ang lahat. Wala na siya.


Bakit nasa huli ang pagsisisi? Bakit hindi natin kayang sabihin ang nararamdaman natin? Bakit nagpapatali tayo sa mga bagay na hindi naman tayo masaya? Bakit natatakot tayong gumawa ng hakbang na makakapagbago ng buhay natin? Bakit maraming bakit? Bakit maraming tanong na hindi natin kayang sagutin kaagad? Bakit nakakatanga? Bakit kailangan pang mawala ang isang bagay o tao bago malaman na mahalaga siya? Bakit kailangan pang maghintay?

Bakit?

Nobyembre na, aalalahanin kitang muli. Bibistahin mo na naman ako sa panaginip ko. Babalik na naman ang mga alaalang may panghihinayang.

Hindi ka namin makakalimutan.


No comments:

Post a Comment