Sunday, April 12, 2015

Quotes #16


MAY FOREVER BA?

Hindi ko alam kung may forever pero ang alam ko sabi ng kaibigan kong si Plato sa kanyang teorya,
ang mundo ay nahahati sa dalawa. Ang mundo ng materyal at ang mundo ng "forms." Sa mundo ng materyal, lahat ng mga bagay na nakikita ng ating mata kasama na rin tayo ay nawawala, nasisira, nabubulok. Samakatwid, hindi nagtatagal.

Sa mundo naman ng "forms," ang mga abstrakto at mga ideya ay sinasabing nagtatagal o kaya naman ay permanente. Ito yung tipong mamatay man ang tao, ang ideya nya, ang kanyang imahe, at ang mga alaala na naipon natin mula sa kanya ay mananatili sa atin. Kahit na nawala na siya. Nandyan pa rin sya. Magsasalin-salin ang kagandahan na naidulot nya sa mga tao. Mabubuhay siya hangga't may taong humihinga sa mundo na nakakaalala sa kanya. 

Ang tanong, may forever ba? Marahil mayroon. Depende na iyon kung gaano mo kinurot ang puso ng mga taong mga mahal mo at nakasama mo.

Kaya siguro habang maaga at nabubuhay tayo, gumawa tayo ng memories, magcontribute tayo sa komunidad, magtrabahong maigi para sa ikauunlad natin at gumawa ng mabuti. :)

Hindi ka man forever, malay mo... may maiiwan kang marka sa mundo na pwedeng umabot ng magpasawalang hanggan.

"PAGBABAGO"

Hindi ko alam kung ano nga ba ang nangyari sa akin. Dalawampu't apat na taong gulang na ako. Hindi na bata para pagsabihan pa sa kung ano ang dapat kong gawin at mas lalong hindi naman ako manhid o bulag para makita ko kung ako man ay kakulangan.

Nitong mga huling araw, nalulungkot ako para sa aking sarili. Isa sa kapamilya ko ang nawala pero parang namanhid ang puso ko at hindi ko kaagad naramdaman na nawala na siya. Sabi sa akin, pinipili ko kasing maging "busy" sa trabaho ko kaysa sa aking pamilya.

Marahil tama nga sila o maaaring iniiwasan ko lang. O baka sadyang wala akong pakialam?

Tinatanong ko ngayon sa aking sarili, masyado na ba akong nagiging makasarili at sarili ko na lamang ang iniisip ko. 

Hindi ko alam pero baka tama rin.

Sabi sa akin ng girlfriend ko. Nagbago na ako.

Ang mga pangarap na binuo namin hindi ko na raw pinapangarap, hindi na ako yung dating "AKO."
Ang sabi ko naman, baka ako yung tunay na ako ngayon. Dahil sa pagkakaintindi ko at pagkakaalala ko sa aking sarili noon. Mataas talaga ang pangarap ko pero simula nang minahal ko siya, pinili ko na lang na nasa tabi niya. Iniwasan makisalamuha masyado sa iba at iniwasan sumali sa mga organization na gusto kong salihan.

Noon pa man bata pa ako, mahilig kasi akong sumali sa lahat halos ng contest. Honor student kasi ako, achiever, at mataas talaga ang ambisyon ko na maging "successful." Kasi nga galing ako sa putik. 

Ayoko na ulit magutom, ayoko na ulit maghirap kami, at ayokong mamaliitin din ng iba. Siguro nasobrahan ako ngayon ng kagustuhan kong umangat at makuha agad ang mga gusto kong makuha. Kaya siguro ngayon, hindi ko maiwasan na nakakalimutan ko siya. Nauunawaan nya ako pero nagtatampo sya.

Ganoon siguro talaga. Tama ang kasabihan. Hindi mo pwedeng makuha ang dalawang magkaibang mundo. Hindi ka pwedeng perfect sa love at perfect sa career. Kasi tao lang ako, nagkakamali, nakakalimot, at nagbabago.

Hindi ko naman ginusto na kung minsan maging busy ako at hindi kami magkita. Talagang kailangan ko lang din magtrabaho at kumuha ng part-time dahil mahirap ang buhay ngayon, gusto ko rin dagdag experience at iniisip kong para rin ito sa future namin.

Sana lang hindi sya magsawa sa akin. Sana lang maintindihan nya rin ako tulad ng pag-unawa niya sa akin noon. Kung nagbago man ako, o kung bumalik man ang dating "AKO," sana tanggapin nya pa rin ako. 


May puso naman ako, hindi naman ako bato. Hindi lang siguro halata na marunong din akong masaktan dahil kung minsan ang hirap pumili kung alin ba ang dapat kong bigyan ng pansin. Mayroon at mayroon kasi akong masasagasaan.

Hindi naman lahat ng nasasaktan ay kailangang umiiyak at hindi naman lahat ng nahihirapan ay nagpapakita ng paghihirap.

Sana maintindihan pa rin nya ako. Mahal ko naman siya. Iyon nga lang, nawawala ang nararamdaman ko kapag mag-aaway na kami dahil sa oras. 


Thursday, April 2, 2015

"Mahal Kita"

Image
Image Source

Masarap pa rin banggitin ang salitang Filipino para ipahayag ang nararamdaman mo sa taong mahalaga sa buhay mo.
Tulad na lamang ng salitang "Mahal kita." Hindi tulad sa Ingles na "I Love You." Mas may dating ang salitang "Mahal kita" kasi naghahayag ito ng pag-ibig sa taong iniibig mo. Kapag sa salitang Ingles, nauuna ang "I" bago ang "Love" at saka susunod pa lang yung "You." Di ba? Sa salitang "Mahal kita" nawawala na ang sarili mo. "Mahal" na naghahayag ng pagsinta at "Kita" na pinaghahandugan mo o pinagkakalooban mo ng pag-ibig mo. Nasaan ang "Ako" sa salitang "Mahal kita"?
Wala.
Siguro kasi tayong mga Pilipino ay talagang sadyang mapagmahal. Kaya nga marami ang nasasaktan. Puso nauuna, naiiwan ang isip. Pero masaya pa rin di ba? At least nalaman mo kung paano ang masaktan at magmahal dahil isa kang tao na marunong makaramdam.
"Mahal kita." Dalawang simpleng salita na tatagos sa 'yong kaluluwa lalo na't marinig mo ito sa taong matagal mo nang gustong makasama. smile emoticon
Kung sakali naman na magkasama man kayo, ipagpatuloy mo lang 'yan ihayag dahil isa yang musika na naririnig ng puso at mahiwagang salitang nagbibigay pag-asa para bumangon tayo araw-araw rito sa mundo.