Tonyo and Lea (credits to the owner of image)
Isa, nagdadalawang isip ako kung papanoorin ko ba kasi baka mainstream ka lang na palabas at magsisi ako sa huli. Ngunit hindi mo ako binigo.
Dalawa, niyaya ko siyang manood para may karamay ako sa palabas na ito kasi nga ayokong masaktan ng mag-isa lang at umiyak sa isang tabi kung sakaling maganda ka nga. Dalawa kaming tumawa at nagdusa nang hapon na iyon.
Pangatlo, alas tres ng tanghali nang magsimula kaming magkita sa isang mall sa Antipolo kahit masama pa ang pakiramdam ko...pinilit kong manood.
Apat, nang magsimula na ang film napansin kong wala na ako halos sa pagkurap ng mga mata! Hayop sa ganda! Tinuruan mo ko na may mga bagay na kahit anong gawin mo kung minsan hindi sapat at kung sumapat man, minsan hindi naman siya dapat.
Lima, mga limang beses kong pinigil ang pag-ihi ko sa CR dahil sa ganda ng kwento mo. Hindi ko namalayan ang hawak na sandwich hotdog ko. Ibang klase kasi ang banana at ang puso niyo.
Anim, lahat kami ay mataimtim na nanood sa mga malulungkot na eksena at sabay-sabay na tumatawa sa mga simpleng banat ni Tonyo kay Lea. Mga anim na beses ko ring hinawakan ang kamay ng katabi ko sa tuwing naaalala ko ang kakornihan na binabato ni Tonyo kay Lea kasi korni rin ako.
Pito, sabi ko sa sarili ko hindi ko hahayaang mahirapan ang Lea ng buhay ko. Pinapaalala ng palabas na ito na kung mahal mo ang isang tao hindi mo naman kailangan pang humiling ng kapalit at mas lalong hindi mo kailangan na magmadali dahil kung mahal mo siya…hihintayin mo siya kahit gaano pa katagal. Parang ako lang talaga ikaw, alam mo ba, Tonyo, hinintay ko rin yung Lea ko. Hindi man sobrang tagal ha tulad ng ginawa mo pero naghintay ako at tyumempo kung kailan ko sasabihin sa kanya na mahal ko siya at hindi ko siya pakakawalan pa.
Walo, walang halong panloloko. Ganyan ang tinuro mo. Hindi mo kailangang maging gwapo para mahalin ka ang kailangan sa’yo ng babae ay marunong kang magmahal ng totoo, yung tatanggapin mo siya ng buong-buo. Yung tipong kung bulag man siya o hindi, maganda o hindi, mataba o payat at kung anu-ano pa. Pinatunayan mo na wala rin ang standards kapag nagmahal ka. Naalala ko na mas maliit ako sa GF ko, humor lang rin ang mayroon ako saka malinis na konsensya. Hahaha.
Siyam, pinaiyak mo ako. Mga siyam na malalaking patak ang dumampi sa mga pisngi ko nang araw na iyon. Hindi na ako nahiya sa katabi ko kung umiiyak ba ako. Hahaha. Totoo naman kasing ang sakit sa dibdib. Ang hirap lang kasing isipin na wala nang mas sasakit pa na pinigil mo yung pagmamahal na iyon para sa kanya at hindi niya naman narinig mula sa bibig mo na mahal mo rin siya. May mga bagay na sa huli talaga magsisisi ka. Kaya ipakita mo na kung gaano mo siya kamahal o kaya sabihin mo kung importante siya sa'yo. Wala namang mawawala. Kailangang yakapin ang takot. Salamat, Tonyo, sa pagbibigay ng lakas ng loob. Naalala ko pa yung gabi na umamin rin ako sa kanya. Napapapikit pa ako para mabasa ang sagot niya sa akin kasi it's now or never hahaha. Takte.
Sampu, ika-sampung taon na namin ngayong buwan. Salamat sa pagpapaalala sa akin kung paanong magmahal nang hindi napapagod!
Nahanap ko na nga pala si Lea ko kaya pipilitin ko na lang na ingatan ang sarili ko para sa kanya at higit sa lahat, iingatan ko siya. Charot.
Panoorin niyo, hindi kayo magsisisi.
No comments:
Post a Comment