Maligayang pagdating sa
bansang hindi lang gulay at palay ang itinatanim, kundi droga at baril! Hindi
lang mga buto ang ibinabaon kundi mga malamig na bangkay ng inosenteng tao! Ilang libo na ang inaalay para sa katahimikan at kapayapaan! Sa ganitong paraan lang kasi maaaring maging payapa e! Wala nang iba! Ito ang pinaka-epektibo!
Sa totoo nga niyan eh, libo-libo na nga ang napatay eh kaya nga tuwang-tuwa na ang ilan kasi pasasaan pa raw ba at makakamit rin namin iyon basta makisama lang kami sa laban! Kaya nito lang nag-alay ulit kami ng isang buhay...
Siya nga pala si Kian Loyd delos Santos.
Isang
binatilyo. 17 taong gulang. Walang habas na pinatay para sa kaululan ng mga
naka-asul na uniporme pero syempre wala silang pakialam doon kasi collateral damage lang daw iyan.
Ang mga naka-asul na uniporme ay dating tinitingala ngunit ngayon ay pinandidirihan na ang
ilan sa kanila ng madla. Marami na kasing naglipana na kumikitil ng buhay.
Matutuwa kaya si Lapu-lapu na
simbolo ng inyong pagiging malakas? Isa nga bang kabayanihan yan? Wala kang
bayag. Ang alam kong mandirigma ay siyang kumakalaban sa masasamang loob hindi
mga nagpapanggap at nagkukubli sa asul na damit na animo’y bayaning sasagip sa’yo.
May labing-apat na dahon ka pa ng laurel bilang simbolo ng karangalan, kagitingan,
katarungan, at pribilehiyo na magsilbi sa bayan. Umaasa kaming tutulungan mo
kami, ipaglalaban at nangako kang iaalay ang buhay para sa amin! Ngayon, kami
ang nagsisilbing alay mo para mapunan ang mga pagkukulang at masunod ang mga utos
na baluktot!
Nakakapanlumo na makita ang
mga magulang na nagdurusa. Siguro, wala nang mas sasakit pa na naunang pumanaw
ang anak mo at nasisilayan mo ang mukha niya sa ataul. Kinahon ang katawan ng
anak mo, wala ng boses, wala ng buhay, nakapikit at wala nang pag-asang
gumising.
Mga hayop. Mga walang puso.
Nakakamuhi. Nakakagalit. Parang mga dahon na unti-unting nalalagas ang pag-asa
ko sa bansa. Malaya ka nga ba talaga kung kusa mong kinakadena ang sarili mo sa mga
ideya? Kung pinipilit mong bigyan ng hustisya yang baluktot mong paniniwala?
Dahil hindi mo maamin na minsan ka ring napaniwala, naloko, at ngayo'y
nasusugatan yang ego mo na baka mali ka nga ng desisyon!
Nakakalungkot isipin na kailangan pang mag-alay ng iilang tao para magising ka sa mga nangyayari sa lipunan. Huwag kang magbulag-bulagan, magbingi-bingihan at magtakip ng boses.
Kailangan ka ng sambayanan. Isiwalat mo ang nag-aalab na damdamin! Isigaw mo ang panaghoy ng mga namayapa at nasawi!
Gumising ka, Juan!
No comments:
Post a Comment