Heto na naman ang nararamdaman, binabalot ng takot at kaba sa mga bagay na hindi pa naman talaga mangyayari. Oo, marunong din akong matakot pero mas duwag kung hindi ko lalabanan di ba? Lahat naman lumilipas. Iyan na lang ang sinasabi ko sa sarili ko.
Nakakainip rin kung minsan na gustong-gusto mong gawin ang isang bagay pero hindi pwede kasi alam mong sa sarili mo na hindi pa kaya. Wala pa. Hindi pa ito ang oras.
Marami akong gustong sabihin pero tulad ng nakagawian, itinatago ko ang ulit sa pag-asang kusa na lang na malalampasan ko 'to sa sarili ko. Sasabihin ko na lang kapag nagawa ko na. Natupad ko na. Kinakabahan pero nasasabik sa kinahihinatnan.
Aking nilalasahan ang bawat pagkakataon habang may panahon, inuunawa ang mga bagay sa abot ng makakaya, at itinutuwid ang sarili sa mga pagkakamaling nagagawa. Hanggang kailan ko kaya malalaman kung tama na ang panahon?
No comments:
Post a Comment