Sunday, August 28, 2016

ANG BAYANING WALANG REBULTO

Ngayon ay araw ng paggunita ng mga yumaong bayani. Para sa akin ito ay paggunita na rin ng mga bayaning saklaw ng sarili kong kahulugan. Hayaan mo ako sa sariling mundo ko at masabi ko sa iyo na minsan may kilala akong naging isang bayani.

Ano ba ang “bayani”? Ito ba ang mga taong tipong kailangan barilin sa Luneta? Nagsakripisyo ng buhay para sa ikabubuti ng lahat? Ito ba yung mga taong nakakalimutan ang sarili at inuuna ang iba? Mga taong may istatwa at nakabandera ang pangalan sa ilang mga kalye sa bansa? Ito ba ang mga taong may kahinaan pero pinilit maging malakas para sa’yo? Para sa atin?

Gusto kong batiin ang mga taong buhay at naging bayani. Mga taong nagluwal sa atin at nag-alaga. Mga bayaning dahilan kung bakit may pagkain ka sa hapag, may damit kang sinusuot, kung bakit ka dumarating sa paroroonan mo, sumisigaw at nagsasalita nang madinig ang karunungan, mga bayani sa iba’t-ibang paraan at iba’t-ibang larangan o kahit wala pang larangan.

Sila ang mga bayaning walang pangalan. Mga bayaning nandiyan sa piling mo pero hindi mo namamalayan o kung minsan ikaw!

Minsan may isang bayani at gusto kong humingi ng tawad.

Hindi kita patatayuan ng rebulto. Hindi ka makikilala ng lahat ng tao sa mabuting ginagawa mo dahil walang media na nakasubaybay o nanonood sa’yo. Walang nakakaalam ng pagdurusa mo kundi mga malapit sa’yo. Hindi ka man nakapagsulat ng maraming libro o nakaimbento ng isang makinaryang liligtas ng lahat, gusto ko pa ring batiin ka ng ‘mabuhay’ at ‘salamat’! Salamat at nag-aalay ka ng bahagi ng pagkatao mo para sa lahat, kahit hindi man nila alam o hindi man nila gustong malaman.

Bayani ka sa ilang mga bagay, sa maliliit na bagay at nagbibigay ng kakaunting tagumpay. Hindi man ito malakas para sa malalaking tao at maingay na mundo kundi malakas sa mga maliliit na mundo ng mga taong mahal mo. Salamat at patuloy kang nagbibigay ligaya.

Hindi kita patatayuan ng rebulto at malamang sa malamang hindi ka mababanggit sa kasaysayan, sa mga aklat sa Pinas o sa alin mang bahagi ng mundo. hindi ko man mababanggit ang pangalan mo ngayon o iuusal sa tuwing ako’y matutulog. Pero alam mo? May isang taong makakaalala ng kwento mo na minsan may isang bayani…at ikaw iyon.

Pasensiya ka na at hindi ko naaalala ang mga panahong parati kang nandiyan sa tabi ko pero kailan lang nauntog ako at naisip ko ang ginawa mo.

Ayokong gamitin ang salitang “sakripisyo” para ilarawan ang ginagawa mo, bagkus gagamitin ko ang salitang “pagmamahal at pagbibigay” dahil kapag mahal mo, hindi mo kailangan ang salitang sakripisyo na animo’y isang parusang nagmahal ka ng tulad ko o tulad namin. Nakikita ko ang ngiti sa paggawa mo. Nakikita kong mahal mo ako. Nakikita kong may pagmamahal sa ginagawa mo.

Pasensiya na at hindi ko kayang pagawan ka ng rebulto pero gusto kong sabihin sa’yo na nakatatak ka sa isip ko at sa isipan ng mga nagmamahal sa’yo na kahit pumanaw ka, mabubuhay ka sa aming alaala at gunita… na malaya kang gumagalaw sa aming puso’t isipan. Pasensiya ka na at kung minsan hindi ko naibabalik sa’yo ang pagmamahal na ibinibigay mo dahil pakiramdam ko kahit isang milyong beses ko man lagyan ng numero para masabi ko kung gaano ka kahalaga…alam kong hindi ito sasapat.

Patawarin mo ako dahil hindi kita kayang pagawan ng rebulto! Pero asahan mo na hindi tulad ng rebulto na maaaring mawasak, sa akin ay mabubuhay ka hangga’t humihinga ako. Alam ko ang kwento mo, mula sa paghinga, paggalaw, at pag-utot mo! Kung gaano ka nasaktan noon dahil nagmahal ka pero hindi mo itinuring na sakripisyo! Kung gaano ka naging masaya kahit na kung minsan ikaw lang ang nakakaalam… na ako na noon ay masyadong naging abala sa sarili. Patawarin mo ako dahil hindi ko naibalik ang mahigpit na yakap o hindi ko man naibalik ang matamis na ngiti na alam kong inaabangan mo sa tuwing magkikita tayo! Pasensiya na at masyado akong naging abala sa sarili ko!

Kaya nais kong sabihin ngayon, bago pa mahuli ang lahat na naging maligaya ako. Totoo at alam kong may ililigaya pa ako. Hindi ka man naging kasing martyr ni Gat Rizal at nailathala sa anumang pahina sa Pinas, babatiin pa rin kita. Minsan ka rin namang namatay, hindi man sa pisikal pero pinili mong mabuhay at lumaban. Yung tipong minsan ikaw lang ang lumalaban. Yung tipong minsan wala kang kahati sa tagumpay…pero nabuhay ka at patuloy pa rin na nagmamahal at hindi mo ako sinukuan! Hindi mo kami sinukuan! Hindi mo pinagkait na minsan may isang nilalang…na minsan may isang bayaning walang pangalan…walang rebulto.

Kaya gusto kong sabihin na maligaya ako dahil nandiyan ka pa rin. Hindi ka man naging kasing martyr ni Gat Rizal at nailathala sa anumang pahina sa Pinas, babatiin pa rin kita…dahil alam kong minsan may isang naging bayani…
at ikaw iyon!


[Sa mga bayaning walang pangalan at rebulto mula sa iba’t-ibang antas ng buhay.]

Larawan ng mga Magulang ko. Ako si Riyan.

No comments:

Post a Comment