Thursday, February 1, 2018

Panibagong Lente


"What the f*ck, erasure means wrong?"

"Ano ba yan! Magkahawig yung piso sa limang piso!"

"Simple lang ang buhay! Huwag niyo na kasing pahirapan!"

Madalas tayo na magreklamo sa mga bagay na kung minsan hindi naman natin kayang baguhin. Madalas rin na mas inuuna nating tingnan yung hindi maganda kaysa sa maganda.

Uy, hindi ko sinasabing ang galing ko sa judgment. Marami rin akong pagkakamali at ilang mga biases na sinusubukan ko pa ring tanggalin. Iyan rin yung bagay na sinusubukan kong isantabi kasabay ng pagtikom ng bibig tapos pinipilit na magsuot ng panibagong lente mula sa ibang tao para mas maunawaan ko kung ano ba yung punto niya. Karaniwan, pumapalya ako pero sa ilang subok na pakikinig mas nauunawaan ko.

Ano bang mali sa erasure means wrong? Nakuha ko rin yung punto na bakit kailangan pang maliin yung mga sagot eh wala namang taong perpekto sa totoong buhay...na dapat pagbigyan ang iba na itama ang mali nila kaya dapat hayaan silang magbura. Kuha ko iyan. Palagay ko naman ang punto ng ilang mga guro tungkol diyan ay matutong mag-isip talaga ang mga estudyante at maging maingat sa pagbibigay ng sagot. Sa totoong buhay, wala rin naman tayong erasures di ba? Ang mga nagawa na ay magiging bahagi na ng nakaraan. May pagkakataon kang maitama ito pero sa ibang pagsusulit na saka dahil nalaman mong nagkamali ka tulad rin ng matututunan mo sa pagsusulit mo.

Sa bagong disenyo naman ng pera, baka kaya magkahawig yung piso at limang piso para suriin muna natin bago natin ibigay dahil ano man ang halaga nyan, hindi yan basta-basta binibigay. Piso man o limang piso yan, parehas pa rin silang mahalaga, parehas silang may pakinabang at dapat mo silang pahalagahan na parang tao, di ba. Lahat tayo magkakaiba. Lahat tayo may kanya-kanyang katangian. May iba nasa alta de sosyedad pero may iba nasa ibaba ng estado ngunit hindi ibig sabihin na hindi sila mahalaga. Parehas silang tao at parehas silang may halaga. Magkaiba ngunit may pagkakatulad.

Sa isang banda, may katotohan naman na simple lang naman ang buhay kung gagamitin mo ang ibang lente pero naisip ba natin na sadyang komplikado naman talaga ang lahat? I mean, kaya nga may mga disiplina tayong inaaral kasi natural na talaga sa mundo na komplikado siya. Mga bagay talaga ito na kahit komplikado dapat na maunawaan. Palagay ko mas nagiging komplikado ang isang bagay kapag hindi natin tinatanggap na ang buhay ay komplikado. Kung sinusubukan nating gawing lubusang simple ang lahat, mayroon tayong makakaligtaan at baka ito pa ang pagmumulan ng hindi pagkakaintindihan. Kung natural na simple ang lahat bakit pa kailangan nating mag-usap?

Hindi mo naman kailangan sagutin iyan pero gusto ko lang ibahagi 'to.

No comments:

Post a Comment